Libreng Pagbabakuna ng mga Aso at Pusa, Patuloy


 

2015-04-20

 

 

Patuloy ang isinasagawang libreng pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa laban sa rabies sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tangggapan ng Panlalawigang Beterinaryo sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Paghahayupan.

 

Sa nakalipas na isang linggo simula April 13 – 17, 2015 ay nagsagawa ng libreng pagbabakuna sa bayan ng Jomalig at Patnanungan na umabot sa 535 aso at 31 pusa ang nabakunahan at nairehistro ng tanggapan.

 

Ayon kay Dr. Flomella Caguicla, Provincial Veterinarian, ang naturang gawain ay regular na programa ng kanilang tanggapan bilang suporta sa adhikain ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging Rabies Free ang buong lalawigan ng Quezon.

 

Ayon pa kay Caguicla na nais ng pamahalaang panlalawigan na maihanda ang iba pang lugar tulad ng Polilio Group of Islands, ang Jomalig, Panukulan, Patnanungan, Burdeos at Polilio para madeklarang Rabies Free Area na nauna nang nakamit ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon noong nakaraang taon.

 

Bukod sa pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa, nagbigay din ang naturang tanggapan ng mga mahahalagang impormasyon sa mga pet owner ng tungkol sa pagiging isang responsableng tagapag-alaga ng hayop.  

 

Nagkaloob din ang naturang tanggapan ng iba pang serbisyo tulad ng deworming at vitamin injection sa mga alagang baka, kalabaw at kabayo na umabot sa 376.

 

Samantala, umabot naman sa 850 na aso at 72 na pusa ang nabakunahan sa magkakahiwalay na barangay sa bayan ng San Francisco noong nakalipas na mga araw.

 

Target ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng naturang tanggapan na mabakunahan ang 139,099 na aso o 70% ng kabuuang bilang ng mga aso sa Quezon na umabot sa 198,705. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK