Magarbong Kasalan sa Quezon, Tampok sa Wedding Fair sa Sm City Lucena


 

2015-04-16

 

 

Tampok sa limang araw na wedding fair 2015 sa SM City Lucena ang magarbong kasalan sa Quezon na punong-puno ng kulay at tradisyon simula April 15 – 19, 2015 sa ikalawang palapag ng naturang mall.

 

Ang wedding fair ay inorganisa ng Tourism Organization of Quezon Province Philippines Inc. (TOQ) sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon at SM City Lucena.

 

Ayon kay Monching Leynes, Chairman ng naturang wedding fair na layunin nito na mapagkaisa at mapagsama-sama ang mga pribadong establisimyento sa Quezon para mai-promote ang lalawigan na maging wedding destination sa bansa.

 

Malaking posibilidad ito dahil sa mga natatanging tradisyon, magaganda at lumang mga simbahan, magagaling na mga designer, masasarap na mga pagkain at magagadang wedding reception venue na matatagpuan sa Quezon.

 

Ayon naman kay Tina Decal, Pangulo ng TOQ na sa pamamagitan ng exhibit na ito ay naipakikita ang natatangi at makukulay na kasalan sa Quezon sapagkat aniya walang magarbo at makulay na kasalan kung walang tradisyon.

 

Kabilang sa mga tradisyong isinasagawa sa kasalan sa Quezon ay tagayan ritual, subuan ng leche flan, galahan at sayaw sa bangko.

 

Ayon naman kay Maricel Alquiros, SM City Mall Manager na para mas lalo pang maipakita kung gaano kaganda ang lalawigan ng Quezon ay maaaring gawin ang naturang exhibit sa iba pang SM Supermall sa ibang lugar.

 

Ipinagmalaki naman ni Alberto “Jun” Bay, Provincial Tourism Officer na naging kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang pagkakahirang ng Department of Tourism Regiona IV-A sa lalawigan ng Quezon bilang 2nd Top Destination of Same-Day Visitors in CALABARZON na nakapagtala ng 1.85 million visitors noong taong 2013.

 

Malaki aniya ang pagkakataon ng lalawigan ng Quezon na maging wedding destination sa bansa na ang pinakahuling naganap na kasalan ay ang kasal nina Senator Chiz Escudero at Heart Evangelista sa Balesin.

 

Makikita sa naturang exhibit ang mga hotel and resort na maaaring pagdausan ng wedding reception, food catering services and restaurant, photo and video studios, flower shops, wellness services, events services, cakes/baker at mga wedding gown na gawa ng mga sikat na designer sa lalawigan ng Quezon.

 

Samantala, lubos ang pasasalamat ng grupo ng Tourism Organization of Quezon Province Philippines, Inc. kay Governor Suarez sa patuloy na pagsuporta upang maging matagumpay ang mga proyektong isinasakatuparan ng samahan para sa pagpapalakas ng turismo sa Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK