Paggawa at Paggamit ng Wood Vinegar, Itinuro sa mga Magsasaka


 

2015-04-16

 

 

Pitumpong (70) magsasaka ang nabigyan ng pagkakataon na masanay at maturuan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng paggawa at paggamit ng wood vinegar sa Quezon Agricultural Demo Farm, Brgy. Ikirin, Pagbilao, Quezon, kamakailan.

 

Ang mga magsasaka ay nagmula sa dalawampu’t tatlo (23) bayan at dalawang (2) lungsod sa lalawigan ng Quezon kabilang ang Lucban, Sariaya, Gen. Nakar, Infanta, Pagbilao, Tiaong, Candelaria, San Antonio, Padre Burgos, Unisan, Patnanungan, Sampaloc, Gumaca, Plaridel, Agdangan, Lopez, Pitogo, Mauban, Buenavista, Atimonan, Tagkawayan, Alabat, Macalelon, Tayabas at Lucena.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na layunin ng Training on Production and Uses of Wood Vinegar na maturuan ang mga magsasaka ng paggamit at paggawa ng wood vinegar na pinangunahan ni Josefino Caramillo, Chief Training and Extension Cares ng kanilang tanggapan.

 

Dagdag pa ni Gajo na ito ay sa kagustuhan din ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na mabigyan ng karagdagang pagkakakitaan ang mga magsasaka sa Quezon.

 

Ang nasabing proyekto ay makakatulong sa pagtatanim o pagsasaka sapagkat ang proseso nito ay katulad nang paggawa ng uling sa mga pinutol na sanga ng punong kahoy na isang likidong makukuha mula sa pagliyab ng sariwang kahoy na susunog sa walang hangin na kondisyon na tinatawag na kahoy na suka o wood vinegar.

 

Ayon pa kay Gajo na lubos na mapapakinabangan ito sa mga halaman upang maging mas mabuti sa paglaki, maging mas malakas at matibay sa peste at sakit.

 

Base sa isinagawang pag-aaral, ang wood vinegar ay ligtas o di-mapanganib sa mga tao, hayop, halaman at kapaligiran.

 

Ang proyekto ay isinakatuparan sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Agrikultura ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pagsubaybay ni Leonile Dimalaluan, OIC Chief ng Facilities Division at ilang kawani ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor. (Reygan Mantilla–Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK