Disaster Preparedness Manuals at Operation Listo, Inilunsad sa Lalawigan ng Quezon


 

2015-04-14

 

 

Inilunsad na sa lalawigan ng Quezon ang Disaster Preparedness Manuals at Operation Listo sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG) – Quezon sa Queen Margarette Hotel sa lungsod ng Lucena noong April 13, 2015.

 

Katuwang sa naturang paglulunsad ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Quezon Provincial Police Office (QPPO), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP).

 

Ang paglulunsad ay pinangunahan nina Regional Director Josefina Castilla-Go ng DILG IV-A, Regional Director Vicente Tomazar ng Office of the Civil Defense Regional Office IV-A at Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na nilahukan ng mga mayor, chief of police, chief of BFP, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer at municipal local government operation officer ng iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Vilma de Torres, OIC – Provincial Director ng DILG-Quezon na ang lalawigan ng Quezon ang kauna-unahan sa Region IV-A o CALABARZON na nakapaglunsad ng naturang programa at layunin ng pamamahagi ng disaster preparedness manual ay upang mapagsanay ang lokal na pamahalaan lalo’t higit ang mga taong nasa komunidad nito na maging maging listo.

 

Ayon naman kay Assistant Regional Director Ariel Iglesia, DILG IV-A na ang Operation Listo ay isang malawakang pagkilos na naglalayong ipaalam sa bawat Pilipino lalo’t higit sa lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng tamang paghahanda at mga tamang aksyon sa panahon ng sakuna.

 

Kinakailangang sa mga mayor magsimula ang pagiging listo sapagkat sila ang nangunguna sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan at inaatasan na maging frontliners ng komunidad tuwing may sakuna.

 

Naniniwala ang DILG na kailangan pa ring suportahan ang mga mayor pagdating sa disaster preparedness action kaya naman bumuo ang DILG ng disaster preparedness manual para maging gabay nila sa mga paghahanda at tamang action.

 

Ang naturang manual ay may tatlong bahagi kabilang ang Checklist of Minimum Critical Preparations for Mayors, Checklist for Early Preparations for Mayors at Checklist for MLGOOs, COPs, and FMs.

 

Samantala, iprinisenta ni Governor Jay-Jay Suarez ang Provincial Disaster Preparedness: Vision, Mission and Strategies na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng kanyang pamamahala.

 

Ayon sa gobernador na matagal ng pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang disaster preparedness program sa lalawigan ng Quezon.

 

Ipinaliwanag naman ni Dr. Henry Buzar, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ang ABC o Alpa, Bravo at Delta ng Disaster Preparedness na kailangang gawin bago pa man pumasok ang bagyo o sa oras na pumasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility.

 

Huling bahagi ng palatuntunan ang paglagda sa Pledge of Commitment sa Operation Liston a pinangunahan nina PS/Supt. Ronnie Ylagan, Provincial Director ng PNP-QPPO, Fire Chief Inspector Edwin Vargas, OIC-Provincial Director ng BFP at Jail Chief Inspector Wilfredo Jalbuena, Provincial Jail Warden ng BJMP. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK