100 Kabataan, Makakapagtrabaho Ngayong Bakasyon


 

2015-04-14

 

 

Isandaang (100) kabataan ang napili ng Provincial Employment Service Office (PESO) para matulungan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na makapagtrabaho ngayong bakasyon sa loob ng dalawampu’t anim na araw.

 

Ito sa ilalim ng programang Special Program for Employment of Students (SPES) sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga matatalinong mga kabataan na gustong mag-aral ngunit walang kakayahang tustusan ng mga magulang ang kanilang pag-aaral.

 

Ayon kay Atty. Melojean Puache, Provincial Employment Service Officer na sa kagustuhan ni Governor Suarez na matulungan ang mga kabataang ito ay naglaan ang gobernador ng kaukulang pondo para dito.

 

Ayon pa kay Puache na hindi dito natatapos ang pagtulong ng pamahalaang panlalawigan at ni Governor Suarez sa mga kabataang ito sapagkat kapag nagtapos na sila ng kanilang pag-aaral ay mabibigyan sila ng pagkakataon na makapagtrabaho sa pamahalaang panlalawigan o tutulungan silang makapasok sa iba’t ibang kumpanya sa pamamagitan ng PESO.

 

Ang SPES ay itinatadhana ng Republic Act No. 9547 amending RA 7323 o “An act to help poor but deserving students pursue their education by encouraging their employment during summer and/or Christmas vacations through incentives granted to employers”.

 

Ang mga kabataang ito ay makakatuwang ng mga empleyado sa araw-araw at tatanggap ng P409.09 na sweldo kada araw na magmumula sa pamahalaang panlalawigan ang 60 porsiyento ng kabuuang sahod habang ang 40 porsiyento ay ibibigay ng DOLE.

 

Ang programa ay naging bukas sa lahat ng mga estudyante na nasa hayskul, kolehiyo, bokasyonal o mga drop-outs na nasa edad na 15 – 25; naka-enroll sa kasalukuyang taon o sa susunod na pasukan; pati ang mga drop-outs na nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral; hindi hihigit sa P36,000 ang kita ng mga magulang bawat taon; may pasadong grado; at ang mga magulang ay walang kakayahan o walang trabaho.

 

Samantala, sa mga naghahanap ng trabaho ay patuloy pa rin ang Provincial Employment Service Office sa pagtanggap ng mga aplikante para sa iba’t ibang kumpanya sa lalawigan ng Quezon at sa mga karatig lalawigan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK