Kalusugan ng Bata, Tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2015-04-14

 

 

Tinututukan ngayong linggong ito ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Integrated Provincial Health Office ang kalusugan ng mga bata sa pamamagitan ng ipinagdiriwang na Garantisadong Pambata Week.

 

Ayon kay Dr. Agripino Tullas, Integrated Provincial Health Officer, ito ay upang masiguro ang kabutihan para sa mga bata at layunin ng isang linggong pagdiriwang na magbigay ng mga serbisyo at kaalaman tungkol sa mga positive practices at principles sa pangangalaga ng bata partikular sa pangkalusugan at kalinisan.

 

Ayon pa kay Tullas na ito ay dalawang beses sa loob ng isang taon ipinagdiriwang, ngayong buwan ng Abril at buwan ng Oktubre ngunit ang mga serbisyo para sa mga bata ay araw-araw na ipinagkakaloob sa mga Rural Health Units.

 

Binibigyang diin sa Garantisadong Pambata ang pagpapasuso, pagpapabakuna, pagbibigay ng Bitamina A, pagpupurga, pagturo sa mga bata ng pagsisipilyo, paghuhugas ng kamay at paggamit ng palikuran.

 

Ang Garantisadong Pambata ay programa ng Department of Health (DOH) na isinasagawa at ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), mga Non-Government Organizations at iba’t ibang pribadong sektor.

 

Ayon kay Tullas na ang programang Garantisadong Pambata ay unang ginawa ng DOH noong 1999 bilang pagtugon sa panawagan ng UNICEF na ibaba ang kaso ng pagkakamatay at pagkakasakit ng mga bata simula limang taon gulang pababa ngunit ngayon ay kasama na ang mga ipinagbubuntis at nagbubuntis.

 

Samantala, nakatakdang ipatupad ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang programang Quezon 1K (Q1K) o pagtutok sa unang isanlibong araw ng sanggol simula pagbubuntis ng ina hanggang sa bago mag-tatlong taon ang sanggol sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga sapat na bakuna, tamang nutrisyon at iba pa. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK