Quezon Science High School, Unang taon ng Pagtatapos; Naganap


 

2015-04-06

 

 

Pitumpu’t isang (71) mag-aaral ng Quezon Science High School ang kauna-unahang batch na nagtapos sa paaralang ito sa Barangay Isabang, lungsod ng Tayabas noong March 28, 2015.

Nanguna sa naturang unang batch ng nagsipagtapos bilang valedictorian si Carmel Rose Malones Rolloque na nagmula sa liblib at malayong lugar sa bayan ng San Francisco, Quezon.

Ang buhay ni Rolloque ay naging inspirasyon sa karamihan na hindi nagiging hadlang ang kahirapan o kawalan ng kagamitan sa pag-aaral upang makamit ang pangarap.

Nagpaabot ng pasasalamat si Rolloque sa lahat ng taong tumulong sa kanila upang magkaroon ng libreng dekalidad na edukasyon sa pamamagitan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

Samantala, sa naging pananalita ng gobernador na nagsilbing panauhing tagapagsalita na naitayo ang naturang paaralan sa layuning makapagbigay ng pagkakataon na makapag-aral sa isang institusyon na magbibigay ng mataas na kalidad na edukasyon anuman ang katayuan sa buhay at kung saan man nagmula.

Nagpasalamat ang gobernador sa mga magulang ng mga nagsipagtapos sapagkat ipinagkatiwala ng mga ito ang kanilang mga anak na dito makapag-aral sa kabila ng pagiging bago pa ng paaralan.

“Noong bago pa ang Quezon Science High School, nagtiwala kayo sa amin; ipinagkatiwala n’yo ang mga anak ninyo na maaalagaan sila, matuturuan sila ng maayos at kung hindi dahil sa tiwalang ipinagkaloob ninyo at pinag-aral ninyo ang inyong mga anak dito ay hindi ito magiging isang realidad,” dagdag pa ng gobernador.

Nagpasalamat din ang gobernador sa mga guro ng QSHS sa pamumuno ni School Directress Carmela Ezel Orogo sa kabila ng mga hirap at pagsubok na dinanas ng paaralan simula ng maitatag ito.

Ang Quezon Science High School ay nagsimula noong 2011 na isa sa programa ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Edukasyon.

Dito ay nagkakaroon ng pagkakataong makapag-aral ang mga mahihirap ngunit may kakayanan at talinong mga bata sapagkat sagot ng pamahalaang panlalawigan ang tuition fee, board and lodging, school uniform, pagkain at regular na medical at dental check-up ng mga ito.

 (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 
 
BACK