Buwan ng kababaihan, Ipinagdiwang sa Lalawigan ng Quezon; 8,000 Kababaihan Nagtipon-Tipon


 

2015-03-30

 

 

Kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa lalawigan ng Quezon ay nagtipon-tipon ang tinatayang nasa walong libong kababaihan na mga miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) mula sa iba’t ibang bayan at lungsod noong March 27, 2015 sa Quezon Convention Center, lungsod ng Lucena.

 

Ang panlalawigang pagdiriwang na may temang “Babaeng Quezonian, Kaisa sa Pagtataguyod ng Pamilya at Lipunan” ay pinangunahan ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez.

 

Ayon sa Unang Ginang, bilang mga ina ng tahanan ay walang sandali na hindi inilaan sa pamilya ang kanilang sarili at panahon kaya marapat lamang na bigyan ng araw ang mga sarili bilang isang ina at bilang isang babae.

 

“Ang pagmamahal sa pamilya ang inspirasyon naming ni Governor Jay-Jay Suarez sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at polisiya para sa ating lalawigan. Kasama ninyo kami sa pagbibigay ng maayos na kalusugan, magandang edukasyon, ligtas na kapaligiran at pamilyang punong-puno ng pagmamahal sa mga anak sapagkat ang ating mga programa ay palagi nakasentro sa pamilyang Quezonian,” dagdag pa ng Unang Ginang.

 

Iniulat din ng Unang Ginang ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez para sa kalusugan ng mga bata kabilang ang supplementary feeding program sa mga Day Care Children, pamamahagi ng mga Salter Weighing Scale at Height Board sa mga Barangay Health Center, Gulayan sa Bakuran, pagpapalakas sa mga Barangay Nutrition Scholars at serbisyong ipinagkakaloob ng Quezon Women’s Health Center.

 

Para naman sa edukasyon, pagpapagawa ng mga karagdagang Day Care Center sa lalawigan, pamamahagi ng mga TV, DVD at instructional materials sa mga Day Care Center, programang pang-edukasyon sa high school sa pamamagitan ng Quezon Science High School at Serbisyong Suarez Scholars.

 

Binigyan naman ni Chinkee Tan, isang motivational speaker at wealth coach ang mga kababaihan ng mga tips at pamamaraan ng tamang pag-handle ng kinikita ng pamilya bilang ina ng tahanan.

 

Nakiisa din sa naturang pagtitipon sina Dingdong Dantes at bandang Aegis na nagbigay ng kasiyahan sa mga kababaihan.

 

Samantala, pormal ng inilunsad ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez ang pinakabagong livelihood project para sa kababaihan ng Quezon na tinawag na Food Cart ni Juana na may layuning mabigyan ng karagdagang pagkakakitaan para makatulong sa gastusin sa bahay.

 

Ayon sa Unang Ginang na sa unang pagbaba niya sa iba’t ibang bayan ay animnapung (60) food cart ang ipagkakaloob sa mga masisipag at determinadong KALIPI ng lalawigan.

 

Ang mga mapapagkalooban ng food cart ay sasailalim din sa entrepreneurship at marketing training, business management, product development at good manufacturing practices training. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK