Rabies Seminar at Local Declaration ng Alquerez Bilang Rabies Free Area, Isinagawa


 

2015-03-25

 

 

Kaugnay ng obserbasyon ng Rabies Awareness Month ngayong buwan ng Marso ay nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ng Rabies Seminar para sa mga opisyales ng lokal na pamahalaan sa bawat bayan at lungsod ng lalawigan ng Quezon noong March 25, 2015 sa Bulwagang Kalilayan, Governor's Mansion Compound, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Dr. Flomel Caguicla, Provincial Veterinarian na ang seminar ay naglalayong ipaalala upang ipatupad ng bawat isa ang mga responsibilidad na nakapaloob sa Republic Act 9482 o Anti-Rabies Act of 2007.

 

Gayundin, upang sama-samang kumilos para masugpo na at tuluyan ng mawala ang Rabies dito sa lalawigan ng Quezon na adhikain ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at suporta sa nasyonal na pamahalaan para Rabies Free Philippines sa taong 2016.

 

Dagdag pa ni Caguicla na ang Lungsod ng Tayabas ay isa sa mga modelo sa pagpapatupad ng Anti-Rabies Act of 2007 hindi lamang dito sa Quezon kundi maging sa mga ibang probinsya.

 

Kinilala naman bilang Rabies Free Area sa buong Pilipinas at kauna-unahan naman sa buong Region 4-A o CALABARZON ang bayan Alabat, Perez at Quezon, Quezon na naideklara noong September 29, 2014 kaugnay ng World Rabies Day.

 

Ayon pa kay Caguicla na nais ng pamahalaang panlalawigan na maihanda ang iba pang lugar tulad ng Polilio Group of Islands, ang Jomalig, Panukulan, Patnanungan, Burdeos at Polilio para madeklarang Rabies Free Area.

 

Base sa ulat ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo sa pamamagitan ni Dr. Milcah Valente, head ng Animal Health and Welfare Division, may labing-tatlo (13) sa tao at labing-isa (11) sa aso ang naitalang positibong kaso ng Rabies sa buong lalawigan noong 2014.

 

Tuloy-tuloy naman ang isinasagawang libreng pagbabakuna ng mga aso sa iba’t ibang bayan sa Quezon na umabot na sa 53,239.

 

Target ng tanggapan na mabakunahan ang 139,099 na aso o 70% ng kabuuang bilang ng mga aso sa Quezon na 198,705.

 

Ang naturang seminar ay nilahukan ng ilang lokal na opisyal ng iba’t ibang bayan at lungsod sa Quezon tulad ng mga municipal agriculturist, livestock inspector, municipal at city veterinarian, partner national agencies.

 

Samantala, isinagawa din ang local declaration bilang Rabies Free Area ang bayan ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon sa pamamagitan ng paggagawad ng plake at certification na pinangunahan nina Rabies Regional Coordinator Dr. Gloria Salazar, Regulatory Division Chief Rufina Sanidad, Senior Agriculturist ng Bureau of Animal Industry Dr. Laarni Cabantac at Provincial Administrator Rommel Edaño. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK