2nd Governor's CUP Inter-Town Basketball Tournament, Tuloy na


 

2015-03-17

 

 

Tuloy na sa susunod na buwan ang pagsasagawa ng 2nd Governor's Cup Inter-Town Basketball Tournament.
 
Sa nakalipas na pulong ng Provincial Development Council ay inihayag ni Governor David C. Suarez ang imbitasyon sa mga dumalong mayor mula sa ibat-ibang bayan sa lalawigan.
 
Ayon sa gobernador bawat bayang lalahok ay tatanggap ng isandaang libong pisong financial assistance na gagamitin sa pagbuo ng kani-kanilang koponan.
 
Maliit ang nasabing halaga ayon sa gobernador pero naniniwala ito na mas malaki ang kanilang magiging pakinabang sa ekonomiya dahil ang liga ay gagawin sa ibat ibang bayan sa Quezon.
 
Gayunpaman, madadagdagan din ang nasabing financial assistance kung ang isang koponan ay aabot ng semi finals ng tournament.
 
Ayon naman kay Webster Letargo ang Chief of Staff at Executive Assistant 4 ng gobernador sa mga susunod na araw ay ipapatawag nila ang mga mayor o team manager at coaching staff para ipaliwanag ang mga bagong panuntunan ng liga.
 
Sinabi pa ng gobernador na mas mahigpit sila ngayon sa screening ng mga maglalaro na dapat ay rehistrado at botante ng isang bayang kalahok.

Bukod dito ay sasailalim ang lahat ng mga manlalaro sa random drug testing ng sa gayun ay maiwasan ang anumang gusot o gulong mangyayari.
 
Kasabay nito ay hinikayat din ng gobernador ang mga alkalde na magsagawa ng drug testing sa mga kawani ng pamahalaan na siyang ipinatutupad ngayon sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
 
Naniniwala ito na kinakailangang sa sariling bakuran muna dapat magsimula ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot. (Quezon PIO)

 
 
BACK