Q1K Program, Ilulunsad sa Lalawigan


 

2015-03-17

 

 

Hindi malulutas ang kahirapang nararanasan sa bansa kung ang pagtutuunan lamang ng pansin ay ang pagtatayo ng mga silid aralan at job skills training center.

 

Ito ang may paniniwalang pahayag ni Governor David C. Suarez sa harap ng mga alkalde sa ibat-ibang bayan sa lalawigan sa kanilang full council meeting ng Provincial Development Council.

 

Giit ng gobernador na dapat ding bigyang-pansin ang kapasidad ng isang tao lalo na sa kanyang pag-aaral.

 

“If you want to have a real agenda para labanan ang kahirapan, we need to start right, we need to equip the youth right sa simula pa lamang ng kanilang pagsilang,” ayon kay Suarez.

 

Lumalabas sa pag-aaral na isinagawa ng United Nations Development Program o UNDP na kung bakit ang mayaman ay nananatiling mayaman at ang mahirap ay lalong naghihirap ay dahil sa kamangmangan ng isang bata bunga ng kawalang atensyong ibinibigay mula pagkasilang hanggang umabot ito sa gulang na isang libong araw.

 

Kaugnay nito, tiniyak ng gobernador na bibigyan nito ng tamang atensyon ang mga kabataan sa lalawigan mula sa kanilang pagkasilang hanggang sa unang isang libong araw ng mga ito sa pamamagitan ng ilulunsad nitong Q1K Program.

 

Dapat aniyang mabigyan ang mga ito ng tamang mga bakuna, tamang nutrisyon,  interaksyon sa mga magulang at tamang pagsubaybay ng mga health care workers.

 

“During first one thousand days of the live ng isang sanggol, dito nabubuo ang cognitive skills ng isang bata, the ability to understand, to learn, to comprehend at yung interactions,” dagdag pa ng gobernador.

 

Hinikayat nito ang mga mayor na magkaisa sa naturang programa dahil kung hindi makukumpleto ang pangangailangan ng mga bata sa loob ng unang isang libo ng kanilang araw ay hindi na nila ito maaayos o mababalikan ang developmental period ng isang sanggol.

 

Ang Q1K Program ay isa lamang sa mga programang ipatutupad ng pamahalaang panlalawigan ngayong taong ito na nakapaloob sa 365,120 milyong pisong halaga ng supplementary annual investment plan para sa taong 2015.

 

Kasama rin sa plano ay ang paglalagay ng mga dialysis center sa lahat ng district hospital sa lalawigan sa pamamagitan ng private public partnership. Ito ay para mailapit sa mamamayan na nasa malayong lugar ang serbisyong pangkalusagan ng kanyang administrasyon sa mababang halaga lamang. (Quezon PIO)

 
 
BACK