2 Water Supply Level II at Filtration/Refilling Station sa 3rd District, Pinasinayaan


 

2015-03-17

 

 

 

Libre nang makakainom ng malinis na tubig ang residente ng San Francisco at Catanauan, Quezon matapos pasinayaan ang water supply level 2 at filtration/refilling station noong March 14, 2015 sa dalawang bayan.

 

Ang pagbubukas ng dalawang filtration/refilling station ay pinangunahan nina Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, 3rd District Rep. Aleta C. Suarez, dating House Minority Leader Rep. Danilo E. Suarez, Mayor Joselito Alega ng San Francisco at Mayor Ramon Orfanel ng Catanauan.

 

Ang filtration/refilling station ay proyekto ni dating 3rd District Rep. Danilo Suarez na ipinagpatuloy ng kanyang asawa na ngayon ay kasalukuyang 3rd District Rep. Aleta Suarez.

 

Ayon kay Suarez ang proyektong ito ay matagal ng programa na gusto niyang simulan tatlong taon na ang nakakalilipas at ngayon ay nagkaroon na ng katuparan.

 

Napakahalaga aniya ng malinis na tubig lalo na sa mga bata sapagkat marami sa mga ito ang nagkakasakit dahil sa kontaminadong tubig na kanilang iniinom.

 

Ayon naman kay Governor Suarez na ngayon ay hindi na matatakot o mawawala na ang pangamba ng mga residente sa naturang mga bayan na magkasakit ang mga bata sanhi ng hindi malinis na inuming tubig.

 

Ayon pa sa gobernador na base sa pag-aaral ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na marami ang nagkakasakit partikular ang mga bata ay dahil hindi malinis ang kanilang tubig na iniinom sapagkat ang karamihan sa mga pinagkukunan ng tubig ay kontaminado na.

 

Ang programang Malinis na Inuming Tubig ay magkatuwang na ipatutupad ng pamahalaang bayan, tanggapan ni Cong. Suarez at pamahalaang panlalawigan ng Quezon na sasagot sa electric bill ng naturang water station.

 

Makikinabang dito ang nasasakupang barangay at mga karatig-barangay nito ngunit siniguro ng pamilya Suarez na lahat ng residente ng naturang mga bayan ay may karapatan sa malinis na tubig.

 

Bawat pamilya ay bibigyan ng water coupon na may katumbas na 5-gallon ng tubig sa filtration/refilling station na matatagpuan sa Barangay Cawayan II sa bayan ng San Francisco at Barangay Matandang Sabang sa bayan ng Catanauan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK