Provincial Cooperative Development Council, Patuloy ang Pagpapalawak ng Programa sa Kooperatiba


 

2015-03-11

 

 

Patuloy ang pagpapalawak ng mga programa para sa mga kooperatiba sa lalawigan ng Quezon ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) at Provincial Cooperative Development Council (PCDC).

 

Ang mga programang ipinatutupad ay sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kooperatiba ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pagsubaybay ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo.

 

Kaugnay nito, kamakailan ay nagsagawa ng general assembly ang PCDO at PCDC sa Audio Visual Room sa Quezon Convention Center, lungsod ng Lucena at tinalakay ang mga proyekto at programa naisagawa noong nakaraang taon.

 

Isinagawa din ang paglagda sa memorandum of agreement para pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng Regional Cooperative Development Authority at Provincial Cooperative Development Council upang lalo pang mapaunlad ang kooperatiba sa lalawigan.

 

Sinimulan na din ng PCDO ang pagbibigay ng mga farm inputs at iba pang kagamitan sa ilang kooperatiba sa Quezon kabilang ang Infanta Development Cooperative, Infanta-General Nakar Producers Coop, Real, Quezon Hardin ng Kalikasan Multi-Purpose Cooperative, Mamala I Multi-Purpose Cooperative at Pili Farmers Multi-Purpose Cooperative sa Sariaya, Balubab Multi-Purpose Cooperative sa Atimonan, Batok Toro Water Services Cooperative sa Mauban, Lucban Environmentalist Agro-Forestry Multi-Purpose Cooperative, Fisheries Iringan sa Hanapbuhay Primary Service Cooperative sa Pagbilao at St. Terese Multi-Purpose Cooperative.

 

Samantala, isinagawa na din sa naturang general assembly ang eleksyon ng Quezon PCDC na dinaluhan ng mga chairman ng Municipal Cooperative Development Council at mga naitalagang Municipal Development Officer, mga kasapi ng PCDO at iba pang ahensya ng lalawigan na may kaugnayan sa kooperatiba.

 

Naitalaga bilang Chairman si Board Member Teresita Dator, Pelagia Mendonez ng CAREMBA bilang Vice-Chairman, Lani Constantino ng DTI bilang Secretary, Cenon Allan Loria bilang Treasurer at Zaldy Veranga bilang Auditor. (Reygan Mantilla-Quezon PIO / OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK