Pamahalaang Panlalawigan, Nakikiisa sa Pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan


 

2015-03-09

 

 

Nakikiisa ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Provincial Gender and Development Office sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong buwan ng Marso.

 

Ang pagdiriwang ngayong taon na may temang “Juana, Desisyon Mo ay Mahalaga sa Kinabukasan ng Bawat Isa, Ikaw Na!” ay may layuning makilala at i-highlight ang mga pangunahing tungkulin at mga nakamit sa pamumuno, kapangyarihan at decision-making ng mga kababaihan.

 

Gayundin, upang madagdagan ang kamalayan sa pakikisangkot ng mga kababaihan na lumahok sa lahat ng antas ng policy at decision-making; at upang ibahagi ang mga istratehiya at best practices ng ilang kababaihan na maging matagumpay.

 

Ayon kay Ofelia Palayan, Provincial Gender and Development Officer na sa lalawigan ng Quezon ay may panlalawigang tema ng pagdiriwang na nabuo sa pamamagitan ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez na “Babaeng Quezonian, Kaisa sa Pagtataguyod ng Pamilya at Lipunan.”

 

“Totoong napakahalaga ng role ng isang babae sa pamilya at lipunan, hindi lingid sa ating kaalaman ngayon ang lumalalang usapin tungkol sa ipinagbabawal na gamot,” dagdag pa ni Palayan.

 

Ayon pa kay Palayan na marami nang mga programa, proyekto, gawain at serbisyo ang ipinatupad ng nasyonal at lokal na pamahalaan pero kulang sa pagpapalakas ng values restoration program.

 

Dahil dito, naisip ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na magsagawa ng programa na continuous values formation na sisimulan sa mga hepe hanggang sa mga empleyado ng bawat tanggapan kasunod ang pagsasagawa nito sa lahat ng bayan at lungsod sa lalawigan ng Quezon.

 

Kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa Quezon sa March 27, 2017, magtitipon-tipon ang mga kababaihan mula sa apat na distrito na magsisimula sa pamamagitan ng Alay Lakad ng Pamilya sa ganap na alas-6 ng umaga mula Pacific Mall patungong Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena.

 

Samantala, kabilang sa ilang mga gawain kaugnay ng pagdiriwang ang pagbibigay ng libreng pagsusuri sa mga kababaihan o miyembro ng Kalipunan ng mga Liping Pilipina (KALIPI) sa Quezon may kaugnayan sa breast at cervical cancer katuwang ang Quezon Women’s Center.

 

Bukod dito ay naglunsad din sila ng slogan contest para sa tatlumpu’t siyam na bayan at isang lungsod sa lalawigan na ang tema ay nauukol sa isang pamilya at ang mananalo ay tatanggap ng dalawampung libong piso, labing lima at sampung libong piso. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK