Rabies Awareness Month, Ginugunita


 

2015-03-03

 

 

Nakikiisa ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo sa paggunita ng Rabies Awareness Month ngayong buwan ng Marso na may temang “Bakunadong Pusa’t Aso, Sa Rabies Protektado”.

 

Ayon kay Dr. Flomel Caguicla, Provincial Veterinarian na responsibilidad ng kanilang tanggapan na pangalagaan at protektahan ang buong lalawigan ng Quezon laban sa rabies.

 

Ayon pa kay Caguicla na nakakalungkot isipin na may mga namamatay pa rin dahil sa rabies sanhi ng kagat ng aso o pusa na maaari namang maiwasan kung makikipagtulungan ang bawat isa.

 

Katuwang ng naturang tanggapan ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) upang tuluyang mawala ang rabies sa buong lalawigan ng Quezon na adhikain ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Paghahayupan na maging Rabies Free ang lalawigan.

 

Matatandaan na noong nakaraang taon ay nadeklarang Rabies Free Area sa buong Pilipinas ang tatlong bayan sa lalawigan ng Quezon, ang Alabat, Perez at Quezon na kauna-unahan sa buong Region IV-A o CALABARZON.

 

Base sa ulat ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo sa loob ng dalawang buwan mula buwan ng Enero hanggang Pebrero ng taong kasalukuyan ay umabot sa 1,423 na aso at 63 na pusa ang nabakunahan at nairehistro ng naturang tanggapan sa nasabing mga lugar.

 

Bukod sa pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa, nagbigay din ang naturang tanggapan ng mga mahahalagang impormasyon sa mga pet owner ng tungkol sa pagiging isang responsableng tagapag-alaga ng hayop .

 

Nananawagan si Caguicla sa lahat ng may alagang aso at pusa na pabakunahan ang mga ito o hikayatin ang mga kakilalang may mga alaga upang sa pakikiisa, suporta at pagtutulungan ng bawat isa ay tuluyang mawawala ang rabies sa lalawigan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK