Mga Nagretirong Kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, Kinilala


 

2015-03-02

 

 

Binigyang pagkilala sa pamamagitan ng pagkakaloob ng plake at cash incentive ang dalawampu’t siyam (29) na kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na mga nagretiro noong nakaraang taon sa isinagawang flag raising ceremony.

 

Ang pagpaparangal ay pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez katuwang ang Human Resource and Management Office sa pamumuno ni Dr. Henry Buzar at mga miyembro ng Provincial Employees Incentives and Awards Committee.

 

Ang mga nagretirong mga kawani ay tumanggap ng cash incentive katumbas ng bilang ng taon ng paglilingkod sa pamahalaang panlalawigan na nagkakahalaga ng P500 bawat taon ng serbisyo.

 

Ayon kay Governor Suarez, marapat na kilalanin ang pagmamalasakit at paglilingkod ng ilang mga empleyado na matagal na naglingkod at nagsilbihan sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon.

 

Inatasan din ng gobernador ang ilang konsernadong tanggapan na maipagkaloob na din sa mga nagretirong mga kawani sa lalong madaling panahon ang kanilang terminal leave pay.

 

Sa mga kinilalang mga nagretirong kawani, pinakamatagal na naglingkod sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon si Myrna Magat, Supervising Administrative Officer ng Provincial Treasurer Office na naglingkod ng 41 taon at nakatanggap ng P20,500.00 cash incentive.

 

Sumunod sina Godofredo Cabrera, Electrician II ng Provincial Engineering Office at Brenda Lorca, Dental Aide ng Provincial Health Office na parehong naglingkod ng 40 taon at tumanggap ng P20,000.00 cash incentive.

 

Kabilang sa mga nagretirong mga kawani ay sina Lerma Obnial, Editha Polintan, Carmelito Licas, Arch. Gil Montes Sr., Edilberto Tolentino, Edgardo Vargas, Erlinda Firme, Jaime Robledo, Zenaida Aguilar, Jesus Pollante Sr., Buenaventura Gonzales, Samson Par, Danilo Capistrano, Ricardo Lachica, Dr. Amor Gonzales, Fernando Veluz, Severina Bocala, Salome Abiva, Caridad Pestanas, Melecia Labandilo, Dr. Deogracias Letargo, Soremia Saludades, Severina Dimaranan, Ernesto Fernandez, Veneracion Macariola at Dr. Cynthia Villaseñor.(Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK