Pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, Pinaghahandaan na


 

2015-03-02

 

 

Bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa lalawigan ng Quezon ay nagsagawa ng consultative meeting ang Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) na pinangunahan ni Unang Ginang Anna Villaraza Suarez noong March 2, 2015 sa Bulwagang Kalilayan sa lungsod ng Lucena.

 

Ang pagpupulong ay upang pagplanuhan at isaayos ang gagawing general assembly ng mga kababaihan sa Quezon kasama ang mga maybahay ng mga alkalde.

 

Inaasahang aabot sa walong libong kababaihan mula sa apat na distrito ng lalawigan ng Quezon ang inaasahang dadalo sa kanilang general assembly na itataguyod ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa Marso 27, 2015 sa Quezon Convention Center.

 

Ayon sa Unang Ginang para mas maging kapaki-pakinabang ang pagdiriwang ngayong Buwan ng mga Kababaihan ay may ilang programa silang idinagdag dito.

 

Kabilang na rito ang pagbibigay nila ng libreng pagsusuri sa mga kababaihan o miyembro ng Kalipunan ng mga Liping Pilipina (KALIPI) sa Quezon may kaugnayan sa breast at cervical cancer katuwang ang Quezon Women’s Center.

 

Bukod dito ay naglunsad din sila ng slogan contest para sa tatlumpu’t siyam na bayan at isang lungsod sa lalawigan na ang tema ay nauukol sa isang pamilya at ang mananalong bayan ay tatanggap ng dalawampung libong piso, labing lima at sampung libong piso.

 

Magsisimula ang pagdiriwang sa naturang araw sa pamamagitan ng isang parada na magmumula sa Pacific Mall at magtatapos sa Quezon Convention Center.

 

Dagdag pa ng gobernadora na may mga inimbitahan din silang panauhin na makakatulong ng malaki sa mga kababaihan pagdating sa usapin ng pananalapi. (Quezon PIO)

 
 
BACK