Kampanya Laban sa Iligal ng Droga sa Quezon, Paiigtingin; Implan ABKD, Inilunsad


 

2015-03-02

 

 

Pinangunahan nina Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, Southern Luzon Command (SOLCOM) Commander MGen Ricardo Visaya at Quezon Police Provincial Director PSSupt Ronaldo Ylagan ang panlalawigang paglulunsad ng Implan Ating Barkada Kontra Droga (ABKD) noong February 27, 2015 sa SOLCOM Covered Court sa lungsod ng Lucena.

 

Ang ABKD na proyekto ng Quezon Provincial Police Office (QPPO) ay naglalayong maging bahagi ang komunidad sa pamamagitan ng pagre-report ng mga krimen, ituro sa mga kabataan ang pag-iwas sa ipinababawal na gamot at pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga tama at positibong barkada.

 

Ayon kay Ylagan, noong nakaraang taon ay dumami ang bilang ng mga nahuli kaugnay sa ipinagbabawal na gamot at naalarma ang kapulisan sa pagdami at paglaganap nito.

 

Ayon naman kay Governor Suarez, totoo na sa rehiyon ay ang lalawigan ng Quezon ang may pinakamababang bilang ng drug dependents kumpara sa mga karatig na lalawigan pero nakakaalarma ang biglang pagdami ng mga nahuhuli.

 

“We need to intense our efforts and it seems, catching and apprehending does not solve the problem ang we need to get to the root caused of the problem kung bakit lumalaganap at dumarami ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot,” dagdag pa ng gobernador.

 

Hinikayat ng gobernador ang ibang hepe ng pulis sa iba’t ibang bayan sa Quezon na simulan na din ang programang ABKD sa kani-kanilang nasasakupan upang magkaroon ng provincial launching ng ABKD Federation na mabubuo sa bawat bayan.

 

Nauna nang nakapaglunsad ng ABKD sa bayan ng Unisan partikular sa Unisan National High School at sa bayan ng Guinayangan.

 

Ayon pa sa gobernador na kaugnay ng maigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot ay ilulunsad ng pamahalaang panlalawigan ang iba’t ibang programa.

 

Kabilang dito ang pagdaragdag bilang requirement ang drug testing sa mga manlalarong sasali sa Inter-Town Basketball Tournament ng pamahalaang panlalawigan, gayundin ang mga Serbisyong Suarez.

 

Sasailalim naman sa random drug testing ang lahat ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na sinigurado ng gobernador na siya mismo ay magpapa-test din.

 

Maglalabas din ang gobernador ng executive order na magbubuo ng isang task force na makakatuwang bukod sa PNP ang AFP, NBI at league of municipalities.

 

“Seryoso po ang gobernador ng lalawigan ng Quezon sa mensahe ko na hindi ko papayagan sa ilalim ng aking panunungkulan na lumaganap ang ipinagbabawal na gamot sa lalawigan ng Quezon,” dagdag pa ni Governor Suarez.

 

“Ang problema ng drugs ay problema nating lahat, hindi lang problema ng taong dapat humuli sa taong gumagamit at nagtutulak; its not only affect peace and order, its affect development and productivity,” ayon pa sa gobernador.

 

Base sa ulat ng QPPO, noong 2014 ay nakapaglunsad ang kapulisan ng 492 operasyon na nagresulta ng pagkakaaresto ng 368 indibidwal, nakakumpiska ng ipinagbabawal na gamot na nagkakahalaga ng P11,233,408.04 at nakapagsampa ng 509 na kaso sa korte. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK