Rehabilitation Caravan, Patuloy; Bayan ng Alquerez at Gumaca, Napagkalooban ng Tulong


 

2015-02-24

 

 

Sa pagpapatuloy ng isinasagawang rehabilitation caravan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay apat na bayan sa ikaapat na distrito ng Quezon ang napagkalooban ng iba’t ibang tulong at programa ng pamahalaang panlalawigan.

 

Umabot sa 1,200 na mga magsasaka at mangingisda mula sa bayan ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon at 1,000 sa bayan ng Gumaca ang napagkalooban ng mga family food pack bilang ayuda sa mga ito na naapektuhan ng dalawang bagyong dumaan sa lalawigan noong nakaraang taon.

 

Ipinamahagi din ng gobernador sa naturang mga bayan ang mga agricultural inputs tulad ng mga binhing pananim, fertilizer, knapsack sprayer sa mga magsasaka at fish feeds at ilang kagamitan sa pangingisda para sa mga mangingisda.

 

Ayon kay Governor Suarez na patuloy ang isinasagawang rehabilitation caravan ng pamahalaang panlalawigan para sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng bagyong Glenda at Ruby noong nakaraang taon ay dahil batid niya na hindi mabilis na proseso ang pagbangon kaya nararapat lamang na alalayan ang mga ito ng pamahalaang panlalawigan.

 

Ipinagkaloob din ng gobernador ang tulong pinansyal ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development (PSWDO) sa ilalim ng programang Aid to Individual in Crisis Situation (AICS) sa ilang residente ng naturang mga bayan na humingi ng ayuda sa mga gastusin sa pagpapagamot.

 

Ipinamahagi naman sa mga punong barangay mula sa apat na bayan ang mga health coupon o Lingap Kalusugan para sa Quezonian sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan na nagkakahalaga ng P25,000.00 bawat barangay na maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK