Major Surgical Mission, Isinagawa sa 2nd District ng Quezon


 

2015-02-24

 

 

Matagumpay na naoperahan ang mahigit isandaang pasyente mula sa ikalawang distrito ng lalawigan ng Quezon sa isinagawang Major Surgical Mission noong February 20 – 22, 2015 sa Candelaria District Hospital, Candelaria, Quezon.

 

Sa tatlong araw na surgical mission, sumailalim sa minor operation ang 54 na pasyente at 55 pasyente naman ang sumailalim sa major operation na pinangunahan ng mga doctor mula sa FEU of Southern California sa pamumuno ni Dr. Robinson Baron at Manila Adventists Medical Center sa pamumuno ni Dr. Archie Lamadrid.

 

Ang naturang libreng major surgical mission ay proyekto ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Kalusugan para sa mga residente ng bayan ng Tiaong, Dolores, San Antonio, Candelaria, Sariaya at lungsod ng Lucena.

 

Kabilang sa mga sakit na libreng naoperahan ay mayoma, bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan, goiter, loslos, bingot at iba pa.

 

Ang pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon ang higit na binibigyan ng prayoridad ni Governor Suarez na sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang civic organization na nagdadala ng mga doctor at surgeon galing sa ibang bansa sa lalawigan ay nabibigyan ng pagkakataon ang Quezonian na makapagpaopera ng libre.

 

Isa si Marites Calangi, 39 taong gulang, asawa ng magsasaka sa bayan ng Tiaong at may anim na anak ang libreng naoperahan ang goiter na dalampung taon ng tinitiis dahil sa kakapusan ng pera para maipagamot.

 

Ayon sa anak nito na si Liezel, 17 taon gulang, noong nalaman nila mula sa isang day care worker na magsasagawa ang pamahalaang panlalawigan ng libreng surgical operation ay kaagad na inasikaso nila ang mga kailangang dokumento upang libreng maoperahan ang kanyang ina.

 

Lubos ang pasasalamat ni Liezel at ng kanyang ina, gayundin ang lahat ng mga libreng naoperahan kay Governor Suarez sa pagsasagawa ng libreng surgical mission sa ikalawang distrito at hindi na sila mamomoblema ng gagastusin upang gumaling. Ang mga gamot ay libre ding ipinagkaloob sa mga pasyente.

 

Samantala, upang maging tuloy-tuloy ang programa ay may regular na bibisitang surgical team sa iba’t ibang district hospital sa lalawigan ng Quezon na libreng magsasagawa ng operasyon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK