Pup-Lopez, Nagdiwang ng Ika-36 Founding Anniversary; Comlab, Pinasinayaan


 

2015-02-11

 

 

Kaugnay ng ika-36 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa bayan ng Lopez ay pormal na pinasinayaan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang Serbisyong Suarez Computer Literacy Building sa naturang paaralan noong February 10, 2015.

 

Ang computer laboratory ay fully air-conditioned na may dalawampu’t limang (25) unit ng computer at LCD projector. Gayundin, nagkaloob ng halagang dalawampung libong piso (P20,000.00) ang gobernador sa pamunuan  ng paaralan para sa pagpapalagay ng internet connection dito.

 

Ipinangako naman ng gobernador na sa susunod na pagbalik niya sa naturang paaralan ay isasagawa naman ang groundbreaking para sa itatayong bagong grandstand ng paaralan.

 

Ipinagmalaki ng gobernador na ang PUP-Lopez ang may pinakamaraming Serbisyong Suarez Scholars na may kabuuang bilang na 720 as of 1st semester (SY 2014-2015).

 

Ayon pa kay Governor Suarez na sa pagpapatupad ng bagong scholarship program ngayong taon ay sinisigurong aabot sa isang libo (1,000) ang scholars sa PUP-Lopez upang mas marami pang mabigyan ng pagkakataon na makatapos ng pag-aaral.

 

Ayon pa sa gobernador na inatasan na niya ang Provincial Employment Service Office (PESO) ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na pagkatapos na makapagsagawa ng pagtatapos ngayong taon ang PUP-Lopez ay matulungan ang mga magsisipagtapos na makahanap ng trabaho.

 

“Ang pangarap ko sa mga kabataan ay hindi lamang makatapos ng pag-aaral, ang pangarap ko sa mga kabataan pagkatapos na makapag-aral ay makahanap ng maayos na trabaho at maibalik ang pagtanaw ng utang na loob sa mga magulang na nagsakripisyo para mapatapos sila ng pag-aaral,” dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, bahagi din ng pagdiriwang ng 36th founding anniversary ng paaralan ay pinangunahan din ni Governor Suarez ang pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga empleyado ng PUP-Lopez na nagserbisyo ng matagal sa paaralan.

 

Nagkaloob din ang gobernador ng limampung libong piso (P50,000.00) bilang tulong sa napakaraming nakalinyang aktibidad ng naturang paaralan kaugnay ng kanilang pagdiriwang. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK