Kalusugan ng Puso at Ngipin, Tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon


 

2015-02-09

 

 

Ngayong buwan ng Pebrero ay ipinagdiriwang ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang Healthy Heart at Oral Health Month.

 

Layunin nito na mabigyan ng pansin at importansya ang ating mga puso na mabigyan ng pangangalaga at pag-iingat sa mga sakit.

 

Base sa istatistika ng Department of Health, dalawang dekada ng nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino ay ang cardiovascular diseases o sakit sa puso at sa mga ugat nito. Gayundin, sa CALABARZON at lalawigan ng Quezon, ang sakit na ito din ang pangunahing dahilan ng kamatayan.

 

Ito ang dahilan kung bakit tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang pangangalaga sa ating mga puso sa pamamagitan ng pagpapatupad ng iba’t ibang programa.

 

Sa temang “Puso ay Ingatan, Go 4 Health ang Kailangan, Quezon Go 4 Health”, isinusulong ng pamahalaan ang kampanyang Go Smoke Free, Go Slow sa Tagay, Go Sustansya at Go Sigla para malabanan ang mga communicable diseases partikular ang sakit sa puso.

 

Binibigyan pansin din ng pamahalaang panlalawigan ang No Smoking Campaign sa mga pampublikong tanggapan na kinakailangang nagsisimula sa mga kawani ng pamahalaan.

 

Base sa inilabas na kautusan ng Civil Service Commission na Memorandum No. 17, s. 2009 upang maprotektahan ang kalusugan ng mga kawani at publiko na bumibisita sa mga tanggapan ng gobyerno, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong tanggapan na nagbibigay g serbisyong kalusugan, edukasyon, kagalingang panlipunan at pagpapaunlad tulad ng ospital, health centers, day care centersm public playground, paaralan, kolehiyo at unibersidad at mga lugar na pinupuntahan ng mga kabataan.

 

Kaugnay naman ng pagdiriwang ng Oral Health Month na may temang “Nakangiti ang Kinabukasan, Kapag Ngipin ay Pinangangalagaan” ay namahagi ang IPHO na pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” Suarez ng mga toothbrush at toothpaste sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

 

Ang mga programa sa kalusugan ng pamahalaang panlalawigan na ipinatutupad sa buong lalawigan ng Quezon ay isa sa prayoridad na tinututukan ni Governor David “Jay-Jay” Suarez sa ilalim ng Serbisyong Saurez sa Kalusugan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK