3 Bayan at 1 Lungsod sa Unang Distrito ng Lalawigan, napagkalooban ng tulong


 

2015-02-05

 

 

Sa loob ng isang araw, tatlong bayan at isang lungsod sa lalawigan ng Quezon ang pinuntahan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” Suarez upang magkaloob ng iba’t ibang tulong.

 

Noong February 4, 2015, unang pinuntahan ng gobernador ang Barangay Bantigue sa bayan ng Pagbilao upang ipamahagi ang tulong ng pamahalaang panlalawigan tulad ng family food packs para sa mahigit isang libong magsasaka at mangingisda.

 

Ipinagkaloob din ng gobernador ang tulong pinansyal ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa ilalim ng programang Aid to Individual in Crisis Situation (AICS) sa ilang residente ng naturang bayan na humingi ng ayuda sa mga gastusin sa pagpapagamot.

 

Ipinamahagi naman sa mga punong barangay sa bayan ng Pagbilao ang mga health coupon o Lingap Kalusugan para sa Quezonian sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan na nagkakahalaga ng P25,000.00 bawat barangay.

 

Kasunod na pinuntahan ng gobernador ang Barangay Ibabang Palale sa lungsod ng Tayabas. Dito ay ipinamahagi ng gobernador ang mga family food packs sa 1,500 magsasaka at tulong pinansyal o AICS sa 40 beneficiaries. Ipinamahagi naman sa 66 na punong barangay ng lungsod ang mga health coupon.

 

Pagkatapos sa lungsod ng Tayabas ay kaagap na dumiretso ang gobernador sa bayan ng Mauban kung saan mahigit isang libong magsasaka at mangingisda ang nabiyayaan ng mga family food packs. Ipinamahagi naman sa samahan ng mga magsasaka ang mga binhing palay at tulong pinansyal o AICS sa ilang benepisaryo nito. Gayundin, ipinagkaloob naman sa mga punong barangay ng naturang bayan ang mga health coupon.

 

Kasunod na pinuntahan ng gobernador ang bayan ng Sampaloc, dito ay napagkalooban ng family food packs ang mahigit isang libong magsasaka, tulong pinansyal o AICS sa ilang residente ng naturang bayan at pamamahagi ng health coupon sa mga punong barangay.

 

Samantala, ngayong araw ng Huwebes, February 5, 2015 ay pupuntahan ng gobernador ang mga bayan sa REINA area o Real, Infanta at General Nakar upang maihatid pa rin ang tulong ng pamahalaang panlalawigan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK