Governor Suarez, Nagdiwang ng Kaarawan; Namahagi ng mga Regalo


 

2015-01-27

 

 

Ipinagdiwang ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang kanyang ika-38 taong kaarawan sa pamamagitan ng pagbisita at pagbibigay ng tulong sa iba’t ibang institusyon sa lalawigan ng Quezon noong January 26, 2015.

 

Unang pinuntahan ng gobernador ang Missionary Catechist of St. Therese of the Infant Jesus (MCST) sa lungsod ng Tayabas, dito ay nagkaloob ang gobernador ng mga donasyon tulad ng mga bigas at P100,000.00 bilang tulong sa pagpapagawa ng infirmary ng naturang kumbento.

 

Kasunod na tinungo ng grupo ng gobernador ang Sinag Kalinga (Home for the Aged) sa bayan ng Lucban para magbigay ng regalo sa mga lolo at lolang naninirahan dito. Nagkaloob din ang gobernador ng P300,000.00 na pinansyal na tulong ng pamahalaang panlalawigan sa naturang institusyon. Bukod dito, nagkaloob din ang gobernador ng P50,000.00 mula mismo sa sarili nitong bulsa.

 

Pagkatapos ay kaagad na tinungo ng grupo ng gobernador ang Franciscan Missionaries of Mary sa bayan ng Sariaya upang magdala din ng mga tulong tulad ng bigas at halagang P30,000.00.

 

At huling pinuntahan ng gobernador ang Sariaya East Elementary School sa bayan ng Sariaya para bigyang kasiyahan ang mga batang may espesyal na pangangailangan na nag-aaral sa SPED. Dito ay pinagkalooban ng gobernador ng regalo ang naturang mga bata at kanilang mga magulang, gayundin ang pagkakaloob ng P50,000.00 para ipambili ng mga educational materials na kakailangan sa pagtuturo sa SPED.

 

Ayon kay Governor Suarez, nakaugalian na niyang ipinagdiwang ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pagbisita at pagbibigay ng mga regalo sa iba’t ibang institusyon ay dahil sa 38 taon ng kanyang buhay ay sobra siyang naging blessed.

 

“Lahat naman siguro ng pwedeng iregalo sa akin, mga bagay-bagay ay nasa akin na, ibigay na lang natin sa mga taong pwede pa nating pasayahin sa aking kaarawan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na ang ilang ipinamahaging mga regalo ay mula sa mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon na sa halip na bigyan siya ng regalo ay ibabahagi na lang sa iba.

 

“Sabi ko wag na bibili ng para sa akin, pag-ambagan natin, mag-isip tayo ng mga goods na ibibigay at ibigay natin sa mga taong nagbibigay inspirasyon sa atin na maglingkod ng maayos at tapat,” dagdag pa ng gobernador.

 

Lubos naman ang kasiyahan at pasasalamat ng mga nabisita at napagkalooban ng mga regalo at tulong ni Governor Suarez. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK