7 Bayan sa Quezon, Tumanggap ng Tulong


 

2015-01-22

 

 

Pitong bayan sa lalawigan ng Quezon ang tumanggap ng iba’t ibang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa tatlong araw na pag-iikot ng gobernador simula noong January 20 – 22, 2015.

 

Ang mga bayang ito ay Dolores, San Antonio, Unisan, Macalelon, Pitogo, Catanauan at Mulanay.

 

Sa bahagi ng programang Serbisyong Suarez sa Kalusugan, ipinamahagi ng gobernador sa mga punong barangay ng naturang mga bayan ang Health Coupon o Lingap Kalusugan para sa Quezonian na nagkakahalaga ng P25,000.00 bawat barangay.

 

Ang naturang mga health coupon ay maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon bilang pambayad sa mga gastusin o pambili ng gamot sa ospital.

 

Sa bahagi naman ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura, ipinamahagi ng gobernador ang iba’t ibang mga pananim, abono, ilang kagamitan sa pagsasaka, bangka at ilang gamit sa pangingisda bilang relief assistance sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng mga bagyong dumaan sa lalawigan noong nakaraang taon upang mabilis na makabangon.

 

Gayundin, bahagi ng relief assistance ng pamahalaang panlalawigan ang pamamahagi din ng mga family food packs sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ang pangkabuhayan dahil sa nagdaang mga bagyo.

 

Kaya naman lubos ang pasasalamat ng mga magsasaka at mangingisdang tumanggap ng mga tulong mula sa pamahalaang panlalawigan kay Governor Suarez dahil simula anila na manalasa ang bagyong Glenda at Ruby sa Quezon ay nawalan sila ng mapagkukunan ng kanilang ikabubuhay.

 

 Kabilang sa mga programang ipinaliwanag ng gobernador na ipatutupad ng kanyang administrasyon ngayong taon na mapapakinabangan ng sektor ng agrikultura, ito ay ang herbal program, scholarship program sa mga anak ng mga magsasaka at mangingisda at PhilHealth program. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK