Instant Salabat Processing Center, Pinasinayaan


 

2015-01-22

 

 

Pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang pagpapasinaya ng bagong Instant Salabat Processing Center ng Pinagdanlayan Rural Improvement Club Multi-Purpose Cooperation noong January 20, 2015 sa Brgy. Pinagdanlayan, Dolores, Quezon.

 

Ang naturang gusali ay ipinagawa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Suarez bilang tulong sa Pinagdanlayan RICMPC para sa kanilang programang pangkabuhayan na paggawa ng instant salabat at iba pang produkto upang mas umunlad.

 

Ayon kay Governor Suarez, nagulat siya sa mabilis na tagumpay ng samahan makalipas ang isang taon ng huli itong bumisita sa naturang lugar.

 

“Nagulat ako na noong 2012 ang income, assets, liabilities ng inyong RIC ay nasa 2.4M lamang but after just one year ay naging 4.8M na, nakita natin ang magandang epekto ng processing center na naipatayo natin,” pahayag ng gobernador.

 

Dahil sa pagdami ng produksyon ay hiniling ng samahan sa pamamagitan ni BOD Chair Victoria Adao ang pagpapagawa ng karagdagang gusali na kaagad namang inaprubahan ng gobernador na sa susunod na linggo ay ipapasukat na sa Provincial Engineering Office ang pagtatayuan ng karagdagang gusali.

 

“Tama lang na i-request na kung maaari ay i-expand ang gusali dahil sa liit ng espasyo,” dagdag pa ng gobernador.

 

Nagkaloob din ng halagang dalawampung libong piso (P20,000) ang gobernador sa samahan para makabili ng generator set na lubhang kailangan tuwing nawawalan ng kuryente sa naturang lugar na nagiging sanhi ng pagbagal ng produksyon.

 

Ipinakiusap naman ng gobernador kay Mayor Renato Alilio, sa Sangguniang Bayan at sa mga punong barangay ng bayan ng Dolores na proteksiyunan ang industriya ng salabat ng naturang bayan.

 

Hiniling ng gobernador na maggawa ng ordinansa para maproteksiyunan ang mga luyang nanggagaling sa Dolores o karatig-bayan para matiyak na hindi lang ngayon o bukas at panghabang-buhay laging mataas ang kalidad ang instant salabat na nanggagaling sa Pinagdanlayan RIC sa bayan ng Dolores.

 

Naniniwala naman si Mayor Alilio na malapit nang makarating sa ibang bansa ang mga produkto ng naturang samahan dahil sa isinasagawang pakikipag-usap sa iba’t ibang posibleng international market.

 

Nagpasalamat din ang punong bayan sa gobernador sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa bayan ng Dolores.

 

Gayundin, nagpaabot din ng pasasalamat ang punong barangay ng Pinagdanlayan na si Kap. Francisca Deliso kay Governor Suarez sa patuloy na pagtulong sa kanyang barangay upang maiangat ang kabuhayan ng kanyang nasasakupan.

 

Matatandaan na hiniling ng PRICMPC noong nakaraang taon kay Governor Suarez ang pagpapatayo ng bagong processing center dahil ito ang isa sa kinakailangan upang makatupad sila sa itinatadhana ng Bureau of Food and Drugs. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK