Pag-iingat sa Sakit na Cancer, Muling Ipinapaalala


 

2015-01-19

 

 

Muling pinaaalalahanan ang publiko ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa malaking banta sa kalusugan ng sakit na kanser dahil ito ay nakamamatay kapag hindi naagapan.

 

Ito ay kaugnay ng paggunita ngayong ikatlong linggo ng Enero mula 18 hanggang 25, ang National Cancer Consciousness Week na ngayong taon ay may temang “Kanser: Kaya Natin ‘To!”.

 

Layunin ng paggunitang ito na makapagbigay ng mga kaalaman at impormasyon ang publiko upang maiwasan ang sakit na kanser dahil sa paglaki ng bilang ng mga taong naapektuhan ng naturang sakit.

 

Ayon sa Department of Health, ang kanser ang itinuturing na ikatlo sa sampung pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa Pilipinas at maging sa lalawigan ng Quezon.

 

Ito ay tahimik na pumapatay o silent killer dahil sa mga unang stages ay walang mararamdamang sintomas, mararamdaman lang ito kapag kumalat na sa katawan o malala na.

 

Inilabas ng IPHO ang siyam na senyales ng kanser na may acronym na CAUTIONAL para madaling matandaan:

C – Change in bowel or bladder habits

(pagbabago sa nakagawiang pagdumi o pag-ihi/may dugo at pagbabago sa dami o kulay ng dumi at ihi/nahihirapan sa pag-ihi o pagdumi)

A – A sore that does not heal

(sugat na hindi gumagaling)

U – Unusual bleeding or discharge

(di-pangkaraniwang pagdurugo o discharge na lumalabas sa katawan)

T – Thickening or lump in breast or in other body parts

(pangangapal o nakakapang bukol sa anumang bahagi ng katawan)

I – Indigestion or difficulty of swallowing

(madalas na di natutunawan sa pagkain o hirap sa paglumod)

O – Obvious change in warts or moles

(kapansin-pansing pagbabago sa kulugo o taling/nunal)

N – Nagging cough or hoarseness of voice

(hindi tuluyang gumagaling na pag-ubo o pamamalat ng boses)

A – Anemia

L – Loss weight and lack of appetite

(pagbaba ng timbang at kawalan ng ganang kumain)

 

Mahigpit na pinaaalaala ng IPHO na maging mapagmasid sa bawat pagbabago sa katawan at ang mga senyales ay hindi agad nangangahulugang may cancer na ngunit kailangan ipakonsulta upang maagapan.

 

Ayon pa sa IPHO na ang pinakamabisang paraan para labanan ang cancer ay sa pamamagitan ng maagap na pagtuklas dito o early detection at agarang paggamot, pagkain ng mga prutas at gulay, pagtulog ng walong oras araw-araw, mag-ehersiyo araw-araw, umiwas sa paninigarilyo, pag-inom ng alak at iba pang bisyo at laging iisipin ang pag-iwas sa sakit ay mas maganda kaysa sa pag-inom ng gamot. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK