Rural Based Organizations sa Quezon, Nagkasama-sama


 

2015-01-19

 

 

Nagkasama-sama sa isinagawang general assembly ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist ang iba’t ibang rural-based organization sa buong lalawigan ng Quezon noong ika-16 ng Enero, 2015 sa Queen Margaret Hotel sa lungsod ng Lucena.

 

Sa naging mensahe ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa mga dumalo ay ibinahagi ng gobernador ang mga programang ipapatupad ng pamahalaang panlalawigan na magpapa-unlad sa sektor ng agrikultura at pakikinabangan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Quezon.

 

Kabilang dito ang pagpapalaganap ng halamang gamot sa Quezon kung saan naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng sampung milyong piso (P10M) para sa pagpapatupad ng naturang programa. Gayundin, ang pag-address sa problema sa farm mechanization ng lalawigan.

 

Ayon sa gobernador na sa kasalukuyan ay 2% lang ang farm mechanization ng probinsya at ang ibig sabihin nito ay marami sa mga magsasaka ang umaasa pa din sa tradisyonal na paraan ng pagsasaka at ito ay hindi nakakatulong upang tumaas ang kanilang produksiyon.

 

“We need to enter into a new phase of farming which is farm mechanization para ma-improve ang produksyon at mapaganda ang kita ng magsasaka, kaya ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon ay maglalaan ng isandaang milyong piso (P100M) para sa farm mechanization ng lalawigan”, dagdag pa ng gobernador.

 

Nilinaw din ng gobernador na walang kapalit na bayad ang ibibigay na mga makina sa mga ito at ito ay ipagkakaloob ng libre ng pamahalaang panlalawigan bilang tulong sa iba’t ibang samahan at organisasyong agrikultural sa lalawigan.

 

Samantala, binigyang pagkilala din ng pamahalaang panlalawigan ang mga magsasaka, mangingisda at samahan sa Quezon na nagwagi sa Gawad Saka sa Regional Level noong nakaraang taon.

 

Ito ay sina Rosalio Fulgar ng Pagbilao bilang Outstanding Organic Farmer, Sancho Buncha ng Lucena bilang Outstanding Corn Farmer, Edwin Balabad ng Sariaya bilang Outstanding Rice Farmer, Armando Ruel ng Candelaria bilang Outstanding HVC Farmer, Paquito dela Cruz ng Real bilang Outstanding Fish Culture, Talaan RIC ng Sariaya bilang Outstanding RIC Club, Tayabas City Agriculture and Fishery Council bilang Outstanding CAFC at Tumbaga IA ng Sariaya bilang Outstanding Small Farmers Organization.

 

Kabilang sa mga dumalo sa naturang pagtitipon ay Provincial Federation of Farmers Association, Quezon Provincial Rural Improvement Club, Provincial 4-H Club Federation, Volunteer Leaders Association of the Philippines (Quezon Chapter), Quezon Provincial Young Farmers Achievers Association, Quezon Seed Growers Association, Quezon Mango Growers, Quezon Vegetable Industry Council, Provincial Agricultural Fishery Council, SAMA PO KATA, MAPRUTAS (Mangosteen Producers of Tayabas), Organikong Kalakaran sa Quezon (OKAY sa Quezon), Quezon Participatory Guarantee System, Quezon Farm Home Economic Association at IFARMC. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK