Handheld Radios, Ipamamahagi sa Bondoc Peninsula


 

2015-01-16

 

 

Magsisimula na ng pamamahagi ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng mga handheld radios sa lahat ng barangay sa Bondoc Peninsula o ikatlong distrito ng lalawigan.

 

Tatanggap din ang bawat bayan sa naturang lugar ng based radio na may kasamang external antenna.

 

Ayon kay Governor David C. Suarez, kapag nagsimula ang proyekto ay mas magiging mabilis ang komunikasyon sa naturang distrito lalo na kung may kalamidad.

 

Base sa kanyang karanasan nitong mga nagdaang bagyong Glenda at Ruby ay hirap na hirap sila sa komunikasyon dahil sa pagbagsak ng mga antenna ng mga telecommunication companies.

 

Kapag mabilis aniya na naipaparating ang problema sa panahon ng kalamidad ay mas mabilis din nilang naipaparating ang tulong ng pamahalaang panlalawigan.

 

Una ng tatanggap ng nasabing mga communication equipment ay ang mga bayang nasa delikadong lugar.

 

Samantala bibigyan din ng pagsasanay sa disaster preparedness at rescue operations ang mga barangay tanod at iba pang opisyal ng barangay sa lalawigan.

 

Naniniwala si Governor Suarez na sa pamamagitan ng maagang paghahanda ay maiiwasan ang anumang sakuna at pagbuwis ng buhay sa panahon ng kalamidad. (Bert Abrigo-Quezon PIO)

 
 
BACK