Pamamahagi ng Relief Assistance sa mga Magsasaka at Mangingisda, Patuloy


 

2015-01-16

 

 

Limang bayan sa lalawigan ng Quezon ang unang tumanggap ng mga tulong at suporta mula sa pamaalaang panlalawigan sa pagpasok ng bagong taon.

 

Mismong si Governor David C. Suarez ang namahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda mula sa mga bayan ng Tagkawayan, Calauag, Lopez, Padre Burgos at Agdangan.

 

Kabilang sa mga ipinamahagi ay ang mga pananim, abono, bangka at ilang gamit sa pangingisda na bahagi ng relief assistance program para sa mga mangingisda at magsasaka.

 

Ayon sa ilang mangingisda at magsasaka mula ng manalasa sa lalawigan ang bagyong Glenda at Ruby ay wala na silang iba pang pinagkakitaan, kaya’t malaking tulong ang ipinamahagi sa kanila ng gobernador.

 

Naniniwala sina Felipa Cajitas at Abelito Escamillas kapwa mangingisda sa biyayang kanilang natanggap ay muli silang makapagsisimula ng kanilang hanapbuhay.

 

Sinabi naman ni Governor Suarez na mas marami pang programa at proyektong pang agrikukltura na sisimulan ng kanyang administrasyon ngayong taong 2015.

 

Bahagi din ng pagbisita at paghahatid ng mga proyekto sa nabanggit na mga bayan ay ang pamamahagi ng health coupons sa lahat ng barangay captains ng limang bayan na nagkakahalaga ng dalawampu’t limang libong piso bawat barangay.

 

Kasabay nito ay isinagawa na rin ang inagurasyon sa mga bagong farm-to-market sa bayan ng Tagkayawan at Agdangan, Quezon. (Bert Abrigo-Quezon PIO)

 
 
BACK