Relief Operation, Isinagawa sa Sariaya at Lucena


 

2014-12-11

 

 

Kaagad na nagbigay ng ayuda ang pamahalaang panlalawigan sa bayan ng Sariaya at lungsod ng Lucena sa atas ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez matapos ang bagyong Ruby noong December 9 at 10 sa Brgy. Lutucan I, Sariaya, Quezon at sa tatlong barangay sa lungsod ng Lucena.

 

Sa bayan ng Sariaya, apatnadaan (400) family food pack ang naipamahagi sa Lutucan National High School na nagsilbing evacuation center ng mga pamilyang naninirahan sa mga coastal barangay sa naturang bayan. Ang pamamahagi ay pinangunahan ni Mayor Boyet Masilang na inasistihan nina Executive Assistant Tina Talavera bilang kinatawan ng gobernador at Provincial Agriculturist Roberto Gajo.

 

Sa lungsod ng Lucena, 1,250 family food pack na tulong mula sa pamahalaang panlalawigan ang naipamahagi sa Barangay Ibabang Iyam, Gulang-Gulang at Dalahican na personal na pinuntahan ni Governor Suarez.

 

Prayoridad na binigyan ng family food pack sa Barangay Dalahican ay mga pamilyang ang pangunahing ikinabubuhay ay ang pangingisda at dahil sa ilang araw na hindi nakapalaot ay walang mapagkukunan ng makakain.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng mga residenteng napagkalooban ng tulong mula sa pamahalaang panlalawigan kay Governor Suarez dahil ito ang unang nagbigay sa kanila ng tulong.

 

Samantala, sa ulat ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) as of 10:00am, December 10, 2014 ay umabot sa 21,519 pamilya o 94,172 indibidwal ang nag-pre-emptive evacuation sa 760 evacuation center sa buong lalawigan ng Quezon dahil sa bagyong Ruby.

 

Umabot naman sa 8,250 ang family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development Region IV-A ang naipamahagi sa ilang bayan sa lalawigan  partikular sa ikatlo at ikaapat na distrito na unang nakaramdam sa pananalasa ng bagyong Ruby sa Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK