I-PLAN PRDP, Isinagawa sa Quezon


 

2014-12-10

 

 

Matagumpay na naisagawa ang pagpaplano tungkol sa I-PLAN Rural Development Program ng lalawigan ng Quezon sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultura sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Rural Development Program-DA-RFO4.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na ang programang ito ay nagsimula bilang Mindanao Rural Development Program at dahil sa naging positibo at maganda ang resulta kaya nabuo ang programa at napagpasyahan na ipatupad din sa buong Pilipinas na nilalayong paunlarin at magbigay tulong sa mga lalawigan ng bansa.  Ang budget na mapapagkaloob ng Philippine Rural Development Program ay pondo na bigay ng World Bank.

 

Mayroong apat na component ang PRDP, ito ay ang I-PLAN o Investment in Agriculture and Fishery Modernization Plan, I-BUILD o Intensified Building Up Infrastructure and Logistics Development, I-REAP o Investment in Rural Enterprises for Agriculture and Fisheries Productivity at I-SUPPORT o Implementation Support.

 

Ayon pa kay Gajo na nagpahayag ng ilang mga kaganapan sa nakaraang focused group discussion na nakatuon sa coconut, na bagamat ang Quezon ang pangunahing producer ng niyog sa buong Pilipinas ay hindi pa din sapat na tanging niyugan lamang ang pagtutuunan ng pansin.

 

Dagdag pa ni Gajo na mayroon din namang ilan na mga produktong agrikultural pa ang maaaring linangin din at pagkakitaan hindi lamang ng probinsya kung hindi lalong higit ng mga mamamayan ng Quezon.

 

Hinikayat din ni Gajo na magtulungan ang mga municipal agriculturist officer ng mga bayan, magsasaka, trader at miller na mapalago pa ang industriya ng cacao at kape sa lalawigan.

 

Ayon naman kay Oji Reyes ng Cocoa-Phil. na malaki ang potensyal ng pagtatanim at pagbebenta sa merkado ng cacao partikular ang pag-aangkat ng mga western countries ng cacao upang gawing tsokolate. Ito aniya ay magandang paraan para maipakita sa buong mundo na may ibubuga ang Pilipinas sa pagbibigay ng magandang cacao.

 

Hinikayat din ni Reyes ang mga dumalo na magtanim ng cacao dahil maaari itong bilhin ng Cocoa-Phil basta maganda ang kalidad at dumaan sa maayos na proseso. (Reygan Mantilla-Quezon PIO / OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK