Posibleng Pagdaan ng Bagyong Ruby sa Quezon, Pinaghahandaan


 

2014-12-04

 

 

Para mapaghandaan ang posibleng pagdaan ng Bagyong Ruby sa lalawigan ng Quezon ay kaagad na nagpatawag ng pagpupulong ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” Suarez noong December 4, 2014 sa Conference Room ng Governor’s Office.

 

Sa naturang pulong, tinalakay ni Dr. Henry Buzar, Provincial Disaster Risk Reduction & Management Officer ang mga posibleng tahakin ng bagyong ruby at ang posibilidad na pagdaan sa lalawigan ng Quezon. Gayundin ang mga bayan sa Quezon na maaaring magkaroon ng mga pagbaha, pagguho ng lupa at storm surges o daluyong.

 

Inatasan ni Governor Suarez si Buzar na siguraduhing naka-full alert ang lahat ng mga municipal disaster risk reduction and management council sa lahat ng bayan sa lalawigan at maging handa sa posibleng pre-emptive evacuation.

 

Inatasan din ang Philippine Coast Guard na pagbawalan muna sa pagbyahe sa karagatan ang mga barko at pagpalaot ng mga mangingisda.

 

Inalam din ng gobernador ang kahandaan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong samahan at kompanya kung sakaling dumaan ang bagyo sa lalawigan kabilang ang suplay ng bigas, relief goods, komunikasyon, kuryente o generator, gamot sa mga pampublikong pagamutan, mga kagamitan sa clearing operation at iba pa.

 

Sinigurado naman ng kinatawan mula sa National Food Authority sa Quezon na sapat ang suplay ng bigas at hindi ito kukulangin. Magbibigay din ang Department of Social Welfare and Development Region IV-A ng 5,000 relief packs sa lalawigan ng Quezon ayon kay Sonia Leyson, PSWD Officer.

 

Makakatuwang naman ng pamahalaang panlalawigan ang grupong KABALIKAT para masiguro ang komunikasyon sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. Tutulong din ang mga power plant sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga generator upang magamit sa mga pampublikong pagamutan.

 

Iniutos na din ng gobernador ang pagpapapunta ng mga grupo na kabibilangan ng mga tauhan mula sa PSWDO, SOLCOM, Quezon PNP, PDRRMO, PEO, GSO sa apat na distrito ng Quezon bago pa man dumating ang bagyo.

 

Gayundin ang pagdadala ng mga gamot sa mga district at community medicare hospital sa buong Quezon habang wala pang bagyo at kailangang fully-operational ang mga ito kahit sa panahon ng bagyo.

 

Samantala, idineklara na ni Governor Suarez ang suspensyon ng klase bukas, December 5, 2014 ng lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya sa probinsya.

 

Ang lalawigan ng Quezon ay kasama sa apatnapu’t apat (44) na lalawigan sa bansa na inalerto ng nasyonal na pamahalaan sa banta ng Bagyong Ruby at posibleng daanan ng mata ng bagyo sakaling hindi ito lumihis.

 

Ayon kay Dr. Henry Buzar, ang Quezon ay napasama sa Alert Level C at inaasahang makararanas ng lakas ng hanging nasa 95 hanggang 110 kilometro bawat oras at magkakaroon ng pag-ulan na nasa 10 hanggang 20 milimetro bawat oras. Sa ilalim ng alerting ito, inaasahan na ang malaking pinsala sa agrikultura. Mapanganib din ang paglalakbay sa lupa, karagatan o himpapawid. Maaari ding mahugot ang mga puno mula sa lupa at makaranas ng bahagya hanggang mataas na antas ng pagkaputol ng suplay ng kuryente. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK