1st Calabarzon Tourism Forum, Isinagawa sa Lalawigan ng Quezon


 

2014-12-01

 

 

Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office ang 1st CALABARZON Tourism Forum ng Department of Tourism Region IV-A noong November 28, 2014 sa Queen Margarette Hotel, Lungsod ng Lucena.

 

Ang tourism forum ay dinaluhan ng ilang opisyal ng nasyonal na pamahalan, mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga tourism officer ng iba’t ibang lalawigan, lungsod at bayan sa CALABARZON, may-ari ng mga hotel at resort, iba’t ibang tourism organization.

 

Ayon kay Romulo Edaño, Jr., Provincial Administrator na naging kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, napakahalaga ng naturang tourism forum para sa kapakanan ng turismo sa buong rehiyon upang maging global competitive.

 

“Napapanahon ito sapagkat may mga challenges at itinuturing din nating opportunities para mas higit nating maisulong ang iba’t ibang programa ng mga lalawigan dito sa Region 4A,” dagdag pa ni Edaño.

 

Ipinagmalaki din ng administrador ang mga programang ipinatupad at ipapatupad pa ng pamahalaang panlalawigan para maiangat ang turismo ng Quezon kabilang ang Niyogyugan Festival, Herbal Program at Mangrove Forest.

 

“Ninanais ni Governor Suarez na hindi lamang kilalanin sa produktong niyog ang lalawigan ng Quezon bagkus ay kilalanin din na sentro ng herbal medicine sapagkat ang halamang gamot sa buong lalawigan ng Quezon ay itinuturing na likas na yaman ng lalawigan,” ayon pa kay Edaño.

 

Ang Quezon National Park sa bayan ng Atimonan ang magsisilbing sentro ng herbal program ng pamahalaang panlalawigan. Sa bayan naman ng Pagbilao matatagpuan ang mangrove experimental forest na magiging sentro ng pag-aaral tungkol sa mga mangrove.

 

Samantala, naging panauhing tagapagsalita sa naturang forum sina Assistant Secretary Rolando Canizal ng Dept. of Tourism na tumalakay tungkol sa Opportunities and Challenges under ASEAN Integration and Visit Philippines 2015 at si Assistant Secretary Arturo Boncato Jr. na tumalakay ng DOT and Local Integration to Strengthen Institutional Partnership.

 

Inilunsad din sa naturang forum ang Visit the Philippines Year (VPY) 2015, dito ay nagpahayag ng pagsuporta ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor sa pamamagitan ng paglagda sa manifesto of support. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK