Rehabilitation Caravan, Patuloy


 

2014-11-27

 

 

Tuluy-tuloy ang isinasagawang rehabilitation caravan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa iba pang bayan sa lalawigan ng Quezon na nasalanta ng bagyong Glenda.

 

Sa dalawang araw na rehabilitation caravan noong November 25 - 26, 2014, limang bayan ang napagkalooban ng tulong sa pamamagitan ng food-for-work program at pamamahagi ng mga agri inputs tulad ng farm equipment at mga binhing pananim. Ito ay ang bayan ng Unisan, Atimonan, Plaridel, Pagbilao at Lucban.

 

Umabot sa 3,700 pamilya ang napagkalooban ng family food packs sa naturang mga bayan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office at sa tulong na donasyon mula sa Aboitiz Corporation.

 

Sa pamamagitan naman ng Office of the Provincial Agriculturist ay umabot sa 1,201 na magsasaka ang napagkalooban ng mga binhing pananim tulad ng palay; yellow, lagkitan at white corn; sitaw, talong, kamatis, kalabasa, ampalaya, sili; at lanzones, calamansi, guapple, santol bangkok, pomelo  at rambutan seedlings, gayundin ng fertilizer (ammosol, organic, complete).

 

Ipinagkaloob naman ang apatnapu’t pitong (47) na knapsack sprayer at dalawang (2) power sprayer at grass cutter sa mga municipal vegetable growers association, farmers association, corn farmers na mapapakinabangan ng 509 na magsasaka sa naturang mga bayan.

 

Sa sector ng pangisdaan, ang apatnapung (40) bag ng fish feeds para sa dalawampung (20) mangingisda sa bayan ng Unisan. Bukod dito, nagkaloob din si Governor Suarez ng mga kagamitan sa pagsasaayos ng mga bangka tulad ng mga marine plywood, epoxy at mga pako sa tatlumpung (30) mangingisda sa bayan ng Unisan at Plaridel.

 

Ayon kay Governor Suarez, layunin ng rehabilitation program na matulungang makabangon muli ang mga nasalanta ng bagyong Glenda na nanalasa sa lalawigan ng Quezon noong nakaraang mga buwan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 

 

 

 
 
BACK