Halamang Gamot, Palalaganapin sa Quezon


 

2014-11-27

 

 

Kaugnay ng ipatutupad na bagong programa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na Massive Herbal Planting Production, patuloy ang isinasagawang information dissemination sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon.

 

Mahigit dalawang daan katao kabilang ang mga punong barangay mula sa bayan ng Macalelon, Pitogo, General Luna at lungsod ng Tayabas ang dumalo sa isinagawang talakayan sa bayan ng Unisan kamakailan na pinangunahan ni Governor Suarez.

 

Ayon sa gobernador, layunin nito na mabigyan ng sapat na kaalaman ang lahat tungkol sa ipatutupad na programa na mapapakinabangan ng mga mamamayan ng Quezon sa kalusugan at sa pangkabuhayan.

 

Ayon pa kay Governor Suarez, ang pamahalaang panlalawigan ang magbibigay ng mga pananim, magtuturo kung paano ito itatanim at mismong ang pamahalaang panlalawigan din ang bibili ng mga produkto sa tamang presyo.

 

Tinalakay naman ni Walter Dapla, Provincial Herbal Coordinator ang mga kahalagahan ng mga halamang gamot, pagtatanim, pangangalaga at pagpaplano upang mapalaganap ang programa.

 

Gayundin, ang paggamit, pagtatanim at paraan kung paano gamitin at kung saan sakit maaaring igamot ang mga halamang gamot tulad ng luyang dilaw, tanglad, siling labuyo, pandan, takip-kuhol, guyabano, lipote, lagundi at iba pa.

 

Ayon pa kay Dapla na maaaring pagkakitaan ang pagtatanim ng halamang gamot dahil may dalawang kumpanya na ang nagpakita ng interes na bibili ng mga produkto sa lalawigan ng Quezon.

 

Hiniling naman ng gobernador ang pakikiisa ng mga punong barangay upang maging matagumpay ang herbal program sa lalawigan ng Quezon.

 

Dumalo din sa naturang aktibidad sina Provincial Administrator Romulo Edaño, Jr., Chief of Staff Webster Letargo, Executive Assistant III Matt Florido at Provincial Agriculturist Roberto Gajo. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK