18-Day Campaign to End VAW, Sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2014-11-26

 

 

Sinimulan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Provincial Gender and Development (PGAD) Office, Provincial GAD Focal Point System (PGFPS)/TWG at Provincial Committee Against Trafficking and VAWC (PCAT-VAWC) ang 18-Day Campaign to End Violence against Women noong November 25, 2014 sa bayan ng Unisan.  

 

Ang 18-day campaign na magtatagal hanggang December 12, 2014 na may temang “End VAW Now! It’s Our Duty!” ay isinasagawa taun-taon sa buong bansa sa bisa Presidential Proclamation No. 1172 at Republic Act 10398 “An Act Declaring November Twenty-Five of Every Year As National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women and Children.”

 

Ayon kay Ofelia Palayan, Prov’l Gov’t Dept. Head ng PGAD Office, layunin ng kampanya na mapalakas ang suporta at pakikiisa ng mga duty holder tulad ng nasyonal at lokal na sangay ng pamahalaan, media, at iba’t ibang organisasyon para mawala ang karahasan sa mga kababaihan at kabataan. Gayundin, upang mapanatili at maiayos ang mga polisiya, batas at mekanismo para matigil ang Violence Against Women.

 

Naniniwala naman si Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na mapipigilan ang karahasan sa mga kababaihan at kabataan kung magtutulungan ang bawat isang mamamayan na palaganapin ang kampanyang ito at magkaroon ng sapat na kaalaman ang bawat isa.

 

Kabilang sa mga nakalinyang aktibidad kaugnay ng labing-walong araw na kampanya ay 2014 Walk to End VAW, Poster-making contest, VAW Forum Caravan, regular na pagsasagawa ng seminar tungkol sa gender sensitivity sa iba’t ibang bayan sa lalawigan , multimedia/streamers at posters campaign.

 

Pangungunahan din ng grupo ang isasagawang flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan sa Lunes, December 1, 2014. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK