KALIPI-Macalelon, Dumalo sa Native Pig Production Seminar


 

2014-11-24

 

 

Dumalo sa isinagawang seminar tungkol sa native pig production ang mga kababaihang miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) sa bayan ng Macalelon noong November 24, 2014 sa Audio-Visual Room ng Quezon Convention Center sa Lungsod ng Lucena.

 

Ang seminar na pinamahalaan ng Office of the Provincial Veterinarian sa pamumuno ni Dr. Flomel Caguicla ay sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Paghahayupan na programa ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ayon kay Dr. Caguicla, mga kababaihan ang naging kalahok dahil mahigit 75% sa mga nag-aalaga ng baboy sa lalawigan ng Quezon ay mga kababaihan kaya naman ang ibinigay ng programa sa naturang samahan ng mga kababaihan ay pagbibigay ng mga kaalaman sa pag-aalaga ng native o katutubong baboy sa kani-kanilang mga barangay.

 

Ayon pa kay Caguicla na ang pagpapaunlad ng industriya ng native na baboy sa lalawigan ng Quezon ay isinusulong na ni Governor Suarez simula noong 2013 nang atasan ng gobernador ang kanilang tanggapan sa Development and Conservation ng Native Swine sa Quezon.

 

Idinagdag pa nito na ang pag-aalaga ng mga native na baboy ay isang magandang alternatibong pagkakakitaan ng mga kababaihan na makakatulong sa kanilang pamilya sapagkat madaling alagaan at kaunting inputs lang ang kailangang ibigay, mas matibay ang resistensya, mas masustansya at mas masarap ang lasa kumpara sa commercial pig.

 

Base sa datos ng Provincial Veterinary Office, umaabot sa tinatayang 70,000 ang native na baboy sa buong lalawigan ng Quezon kung saan ang pitong bayan na may pinakamaraming native na baboy ay Lopez (14,702), San Andres (13,520), San Francisco (12,971), Mulanay (7,824), Catanauan (7,575), General Luna (5,295) at San Narciso (1,822).

 

Gayundin, sa kasalukuyan ang lalawigan ng Quezon partikular ang ikatlo at ikaapat na distrito ang mga pinagmumulan ngayon ng mga native na baboy na dinadala sa kamaynilaan para gawing litson. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK