ZUMBOOK, Isasagawa ng LAQuep-LInc


 

2014-11-17

 

 

Nakatakdang isagawa ng Librarian Association of Quezon Province-Lucena Inc. (LAQueP-LInc) ang Zumbook, isang book drive sa pamamagitan ng pagsayaw ng Zumba sa ganap na alas-6 ng umaga ng November 23, 2014 sa Perez Park, lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Ismaelinda Cabana, Provincial Librarian na layunin ng Zumbook na makalikom ng mga aklat at iba pang instructional materials at hikayatin ang mamamayan na tumulong sa pagtatayo ng mga silid-aklatan sa mga pampublikong paaralan, municipal at community libraries.

 

Gayundin, ang pagsasaayos ng mga nasirang silid-aklatan dahil sa nakalipas na mga kalamidad at pagtulong sa pagtatayo ng mga pampublikong-aklatan sa lalawigan ng Quezon.

 

Kabilang sa mga kalahok ay ang Manuel S. Enverga University Foundation, Sacred Heart College, Calayan Educational Foundation Inc., Maryhill College, Lucena City Library at Quezon Provincial Library.

 

Sa mga interesadong makiisa at maging bahagi ay maaaring magdala ng mga bago o lumang aklat na magsisilbing registration sa mismong araw ng zumba o magpa-preregistration sa mga silid-aklatan ng nasabing mga paaralan, aklatang panlungsod ng Lucena at panlalawigan ng Quezon.

 

Ang naturang aktibidad ay sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ang Librarian Association of Quezon Province-Lucena Inc. (LAQueP-LInc), na dating Quezon Librarians Association ay isang samahan ng mga registered librarians, para-professional librarians at mga mag-aaral ng Library and Information Science sa lalawigan ng Quezon. Ito ay na-organisa noong September 2006 at naging ikalawang chapter member ng Philippine Librarian Association Inc.-Southern Tagalog Region Librarians Council (PLAI-STRLC). (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK