28 Food Cart, Ipinamahagi ni Governor Suarez


 

2014-11-12

 

 

Pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez katuwang ang Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez ang pamamahagi ng dalawampu’t walong (28) food cart sa mga miyembro ng Rural Improvement Club (RIC) at 4-H Club sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon, kamakailan.

 

Ang naturang pamamahagi na pinamahalaan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo ay sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Kabuhayan (Livelihood Program) na bukod sa food cart ay mayroon na din itong cooking utensils at equipment na may kalakip na build-up capital para sa pagsisimula ng maliit na negosyo.

 

Layunin ng nasabing programa na makapagbigay ng tulong sa mga kababaihan na kumita sila araw-araw upang maiangat ang kanilang kabuhayan at makatulong sa pamilya.

 

Ang dalawampu’t walong napagkalooban ng programang pangkabuhayan ay mula sa bayan ng Guinayangan, Plaridel, Gumaca, Buenavista, Catanauan, San Antonio, Real, Pagbilao, Padre Burgos, Candelaria, Macalelon, Sariaya, Unisan, San Francisco, Atimonan, Lopez, Agdangan, Lucban, Mauban at lungsod ng Tayabas.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang tulong pangkabuhayan ay proyekto ng Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez para sa mga kababaihan partikular sa mga kasapi ng Rural Improvement Club, 4-H Club at KALIPI sa mga kabuhayan ng pamilya sa lalawigan ng Quezon.

 

Hiniling ng gobernador sa mga tumanggap ng naturang programang pangkabuhayan na pagyamanin at alagaan ang mga ito upang makatulong sa kanilang mga pamilya sa mahabang panahon.

 

Hinikayat naman ng gobernador ang kasapi ng RIC at 4-H Club na maging bahagi ng sisimulang programa ng pamahalaang panlalawigan, ang malawakang pagtatanim ng halamang gamot sa lalawigan.

 

Ayon pa sa gobernador na may siguradong market ang mga halamang gamot sa tulong ng pamahalaang panlalawigan at may inilaan ng pondo para sa pagsisimula ng naturang proyekto.

 

Samantala, mahigit tatlong daan (300) kasapi ng Rural Improvement Club at 4-H Club ang dumalo sa isinagawang capability building kung saan naunawaan ng mga kasapi ang kahulugan ng pagkakaisa, kooperasyon at pagbibigay ng oras at panahon upang magtagumpay ang isang negosyo.(Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK