8 Bayan sa Quezon, Napagkalooban ng Tulong ng Rehabilitation Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2014-11-12

 

 

Walong bayan sa lalawigan ng Quezon ang napagkalooban ng tulong ng  pamahalaang panlalawigan na pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng isinagawang rehabilitation caravan na bahagi ng rehabilitation program sa mga nasalanta ng bagyong Glenda noong nakalipas na buwan.

 

Kabilang sa mga ipinamahagi sa mga bayan ng General Luna, Pitogo, Macalelon, Mulanay, Catanauan, Mauban, Sampaloc at lungsod ng Tayabas ay family food packs para sa food-for-work program at mga agri inputs tulad ng farm equipment at mga binhing pananim.

 

Umabot sa 7,754 pamilya ang napagkalooban ng family food packs sa naturang mga bayan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng Provincial Social Welfare and Development Office.

 

Sa pamamagitan naman ng Office of the Provincial Agriculturist ay umabot sa 1,828 na magsasaka ang napagkalooban ng mga binhing pananim tulad ng palay; yellow, lagkitan at white corn; pechay, sitaw, talong, kamatis, kalabasa, ampalaya, sili; at mango, dalanghita, calamansi, guapple, santol bankok, pomelo  at mangosteen seedlings, gayundin ng fertilizer (ammosol, organic, complete).

 

Ipinagkaloob naman ang animnapu’t apat (64) na knapsack sprayer at apat (4) na power sprayer at wheel barrow sa mga municipal vegetable growers association, farmers association, corn farmers na mapapakinabangan ng 752 na magsasaka sa naturang mga bayan.

 

Sa sector ng pangisdaan, napagkalooban naman ni Governor Suarez ng anim (6) na fiberglass paddle banca at mga gill net ang anim (6) na samahan ng maliliit na mangingisda at isandaang (100) submerged payao sa bayan ng Catanauan. Gayundin, ang isandaan at animnapu’t dalawang (162) bag ng fish feeds sa mga bayan ng Macalelon, Pitogo, General Luna at Mauban.

 

Bukod dito, nagkaloob din si Governor Suarez ng mga kagamitan sa pagsasaayos ng mga bangka tulad ng mga marine plywood, epoxy at mga pako ang isandaan at walumpung (180) mangingisda.

 

Ayon kay Governor Suarez, layunin ng rehabilitation program na matulungang makabangon muli ang mga nasalanta ng bagyong Glenda na nanalasa sa lalawigan ng Quezon noong nakaraang mga buwan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK