Philhealth Run 2015, Inilunsad; Tree Planting, Isinagawa


 

2014-11-07

 

 

Pormal ng inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Regional Office 4A ang ikalawang Nationwide Simultaneous Run na gaganapin sa February 15, 2015 sa labing-tatlong rehiyon sa bansa.

 

Ang naturang fun run ay isa sa mga malaking aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng PhilHealth na may temang “Ensuring Universal Coverage for All Filipinos.”

 

Ito ay tinawag na PhilHealth: Ready…TSeKaP…Go! Tamang Serbisyo para sa Kalusugan ng Pamilya ay isang paraan upang palakasin ang kontribusyon ng PhilHealth sa Kalusugang Pangkalahatang agenda ng administrasyong Aquino at mapataas ang kamalayan ng publiko sa benepisyo at serbisyong ipinagkakaloob ng PhilHealth sa mga miyembro nito.

 

Isa ang lungsod ng Lucena sa mga siyudad na napili para isagawa ang PhilHealth Run 2015 kasama ang Baguio, Dagupan, Tugegarao, Olongapo, Quezon, Lipa, Naga, Iloilo, Cebu, Tacloban, Davao at Koronadal.

 

Ang fun run ay may apat na kategorya, 3K, 5K, 10K at 20K. Ang mga interasadong sumali ay maaaring mag-download ng registration form sa run2015.philhealth.gov.ph at ito isusumite sa PhilHealth Regional Office 4A o sa pinakamalapit na local health insurance office kasabay ang registration fee.

 

Ang makakalap na pondo dito ay paghahatian ng tatlong benepisaryo, ang Hermana Fausta Development Center sa lungsod ng Lucena, Faith Hope and Love Kids Ranch sa bayan ng Sariaya at Sinag Kalinga Foundation bayan ng Lucban.

 

Samantala, ang paglulunsad ay sinimulan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tree planting and growing activity sa kahabaan ng Domoit River sa Brgy. Calumpang, lungsod ng Tayabas katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon at pamahalaang barangay ng Calumpang.

 

Ayon kay Alberto Manduriao, Regional Vice-President ng PhilHealth Region 4A, bukod sa Brgy. Calumpang ay nagsagawa din ng tree planting activity ang iba pang local health insurance offices sa Region 4A sa iba’t ibang lugar tulad ng Hagakhakin sa Gumaca, Quezon, Anabu1-B Aguinaldo Highway sa Imus, Cavite, Forest Park Trece Martirez City, Eco-Reserve Park under Ecosystem Research and Development sa Calamba, Laguna at Malabambam Historic Water Shed at Dona Leonila Park sa San Pablo City.

 

Ayon pa kay Manduriao, upang masigurong nabubuhay at lumalaki ng maayos ang mga itinanim na puno ay binabalikan ito apat na beses kada taon o quarterly ng ilang tauhan ng PhilHealth na simbolo ng pananagutan at pakiisa ng PhilHealth sa pangangalaga ng kalikasan.

 

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang punong barangay ng Calumpang na si Kap. Rosa Quindoza dahil isa ang kanilang barangay sa napili na pagtaniman ng mga puno. Napapanahon at malaking tulong aniya ang mga ito sa disaster preparedness ng barangay na isa sa tinututukan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
 
BACK