Bagong Dormitoryo ng QSHS, Pinasinayaan


 

2014-11-05

 

 

Pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at Schools Division Superintendent Dr. Tolentino Aquino ng DepEd-Quezon ang pagpapasinaya at pagbabasbas sa bagong tatlong palapag na dormitoryo ng Quezon Science High School (QSHS) sa Brgy. Isabang, lungsod ng Tayabas noong November 4, 2014.

 

Ayon kay Carmela Ezcel Orogo, QSHS School Directress na ang tatlong palapag na dormitoryo ay pakikinabangan ng isandaan at tatlumpu’t apat (134) na mag-aaral ng paaralan na naninirahan pa sa malalayong bayan ng lalawigan ng Quezon.

 

Ayon naman kay Governor Suarez, makalipas ang tatlong taon ay nagkaroon na ng kasugatan ang problemang kinaharap ng mga mag-aaral noong nagsisimula pa lang ang Quezon Science High School.

 

“Kung noon ay nag-iisip tayo kung saan patutulugin ang mga bata, dati naglilipat-bahay sila mula sa ikatlong palapag ng paaralan papuntang Trade and Investment Center na matatagpuan sa likod ng paaralan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na naka-budget na sa pamahalaang panlalawigan sa susunod na taon ang karagdagang silid-aralan ng QSHS. Gayundin ang karagdagang ayuda ng Quezon Power Ltd. na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso (P3M) para sa bagong Science Bldg. ng paaralan.

 

Ipinagbigay-alam din ng gobernador ang paglalaan nila ng Unang Ginang Anna Villaraza Suarez ng dalawang daang libong piso (P200,000) na magsisilbing paunang pondo para sa Scholarship Collegiate Fund para sa mga mag-aaral na magtatapos sa Quezon Science High School na makakapasok sa mga top universities sa Manila tulad ng Ateneo, La Salle, UP at UST.

 

“Uumpisahan namin ito at mag-iikot pa ako sa mga private institutions para makalikom ng pondo para ma-develop ang scholarship na ito. Hihikayatin ko din ang Aboitiz Corp., Team Energy, Quezon Power Ltd. na magbigay din ng katulad na scholarship,” dagdag pa ng gobernador.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng mga guro, magulang at mag-aaral sa pamumuno ng pangulo ng Samahan ng mga Magulang at Guro na si Allan Elmer Merto kay Governor Suarez sa pagpapagawa ng maganda at malaking dormitoryo. Gayundin sa patuloy na suportang ipinagkakaloob nito sa paaralan at pagmamalasakit sa mga kabataan.

 

Ang Quezon Science High School sa kasalukuyan ay may dalawang daan at walumpu’t tatlong (283) matatalinong mag-aaral na nagmula pa sa tatlumpu’t siyam (39) na bayan at dalawang (2) lungsod sa lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 

 

 
 
BACK