Kabayanihan ni Hermano Puli, Ginunita


 

2014-11-04

 

 

Hindi naging hadlang ang malakas na ulan upang gunitain at bigyang pagpupugay si Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli sa kanyang ika-173 taong kabayanihan sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog at pagbibigay ng 21 gun salute sa Brgy. Isabang, lungsod ng Tayabas noong November 4, 2014.

 

Ito ay pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at Southern Luzon Command (SOLCOM) Deputy Commander Col. Noelito Albano. Nag-alay din ng bulaklak ang mga pinuno at kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon, Sangguniang Panlalawigan na pinangunahan nina Bokal Bong Talabong, Bokal Alona Obispo at Bokal Rhodora Tan, DepEd-Quezon at DepEd-Lucena, iba’t ibang paaralan at samahan o organisasyon sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Governor Suarez, naniniwala siya na kung hindi ginawa ni Hermano Puli ang kanyang makabayaning sakripisyo sa kanyang prinsipyong paniniwala ay hindi magkakaroon ng inspirasyon ang mga bayani ng ating lahi na lumaban sa mga kastila.

 

“Napakalaking karangalan sa atin na masabi nayin sa ating mga sarili na dito sa ating lalawigan nag-umpisa ang laban ng kalayaan,” ayon pa gobernador.

 

“May we all have a little Hermano Puli in our lives, kung paano tayo makakaambag at makakatulong sa mga gawain ng ating mga opisina, sa pagpapaganda ng trabaho ng ating organisasyon, sa pagtulong sa pag-unlad ng ating lalawigan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa kay Governor Suarez na pinaghahandaan na ng pamahalaang panlalawigan at ng Hermano Puli Memorial Committee sa pamumuno ni Atty. Gilbert Camaligan ang ika-200 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Hermano Puli sa July 22, 2015.

 

Kaugnay nito, magbibigay ang gobernador ng official memorandum at executive order kay Schools Division Superintendent Dr. Tolentino Aquino ng Deped-Quezon para mas makilala at matutunan ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo sa lalawigan ng Quezon ang buhay at kabayanihan ni Hermano Puli tulad ng pagsasagawa ng mga symposium at forum.

 

Nanawagan naman si Atty. Gilbert Camaligan, Chairperson ng Hermano Puli Memorial Committee sa lahat ng mga mag-aaral at kabataan na tularan ang pagmamahal sa bayan at sa Diyos ng dakilang bayani ng lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 

 
 
BACK