Kampanya Laban sa Filariasis, Sinimulan


 

2014-11-03

 

 

Sinimulan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang malawakang kampanya sa buong lalawigan para masugpo ang sakit na filariasis sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng mga gamot sa lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan.

 

Ang kampanya ay kaugnay ng Filariasis Awareness and Mass Drug Administration Month na may temang “Filariasis Sugpuin, Gamot ay Inumin Isang Beses Isang Taon sa Loob ng Limang Taon”.

 

Ayon kay Dr. Agripino Tullas, Integrated Provincial Health Officer ang kampanya ay base sa itinatadha ng Executive Order 369 s. 2004 na nagdedeklara sa buwan ng Nobyembre bilang Filariasis Mass Treatment Month na pinangungunahan ng Department of Health (DOH) katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of National Defense (DND), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Information Agency (PIA) at mga Local Government Unit (LGU).

 

Ang lalawigan ng Quezon ay idineklarang endemic for Filariasis noong 2010 dahil sa naging resulta ng pagsusuri sa bayan ng Alabat ay 26 ang naging positibo sa filariasis sa 700 na sinuri at 6 naman ang naging positibo sa 500 na sinuri sa bayan ng Burdeos.

 

Ayon pa kay Tullas na noong 2013 sa isinagawang pagsusuri muli sa bayan ng Alabat at Burdeos ay nagkaroon ng pagbaba ng bilang ng naging positibo sa filariasis na dating 26 ay naging 8 na lang sa Alabat at sa Burdeos na dating may 6 ay naging 2 na lang dahil sa pagsasagawa ng mass drug administration.

 

Ang mass drug administration ay pagtugon o pagsunod sa mungkahi ng World Health Organization na ito ang pinakamahusay at pinakamurang paraan at epektibo para maiwasan o matigil ang pagkalat ng microfilaria na nalilipat sa tao dahil sa lamok.

 

Hinihikayat ni Tullas ang sama-samang pagkilos at kooperasyon ng bawat isa sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na diethylcarbamazine citrate at albendazole isang beses isang taon sa loob ng limang taon na sunud-sunod para magkaroon ng katuparan ang hangarin ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na madeklarang Filariasis Free ang lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK