Buwan ng Kooperatiba, Ipinagdiwang ng Lalawigan ng Quezon


 

2014-10-29

 

 

Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Development Council ang culminating activity ng pagdiriwang ng Buwan ng Kooperatiba sa lalawigan ng Quezon na isinagawa sa Queen Margarette Hotel, lungsod ng Lucena noong October 24, 2014.

 

Ang pagdiriwang na may temang “Kooperatiba: Maasahan sa Pagsulong ng Kabuhayan at Kapayapaan ng Bayan” ay pinasimulan sa pamamagitan ng motorcade at pagbubukas ng Cooperative Product Exhibit na nilahukan ng iba’t ibang kooperatiba sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na naging panauhing tagapagsalita sa naturang programa na malaki na ang ipinagbago ng mga kooperatiba sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon pa sa gobernador na tumugon siya sa kahilingan na mapalakas ang boses ng mga kooperatiba sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon sapagkat isa sa napansin ng gobernador na nagsisilbing hadlang sa pagpapalakas at pagbubuo ng kooperatiba ay hindi nasasama sa decision making process at development planning na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan.

 

“Ang magandang paraan na mapapalakas ang boses ng mga kooperatiba sa development planning na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan ay magtalaga ng isang Provincial Development Cooperative Officer na magiging boses ng mga kooperatiba sa pamahalaang panlalawigan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Itinalaga ni Governor Suarez si Provincial Agriculturist Roberto Gajo bilang Provincial Development Cooperative Officer sa hangarin ng gobernador na pagsamahin ang cooperative development sa agriculture development dahil napansin ng gobernador na marami sa mga gawain ng mga kooperatiba ay may kinalaman sa agrikultura.

 

Hiniling naman ng gobernador ang suporta at pakikiisa ng mga kooperatiba sa Herbal Program na ipapatupad ng pamahalaang panlalawigan sa susunod na taon upang magkaroon ng katuparan ang hangaring maging sentro ang lalawigan ng Quezon ng herbal medicine sa Pilipinas at Southeast Asia.

 

“Nakasalalay sa ating mga kamay at pagtutulungan kung paano natin mapapa-unlad ang ating lalawigan; nakasalalay sa pagtutulungan ng mga kooperatiba at ng lalawigan ng Quezon ang kinabukasan ng mamamayan sa isang maayos na programa at plano,” dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, tumanggap naman ng tig-limampung libong piso (P50,000) halaga ng proyekto ang sampung kooperatiba sa lalawigan ng Quezon mula sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Kooperatiba, Cooperative Livelihood Development Program sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Development Office.

 

Ang sampung kooperatiba ay ang Fisheries sa Iringan Samahan sa Hanapbuhay Multi-Purpose Cooperative (MPC) ng Pagbilao para sa kanilang catering service business, Bagong Buhay sa Maulawin MPC ng Pagbilao para sa kanilang rag making enterprise, Pili Farmers MPC ng Sariaya para sa kanilang organic farming business, Mamala I MPC ng Sariaya para sa kanilang meat processing business, Balubad MPC ng Atimonan para sa kanilang meat processing business, Batok-toro Water Cooperative ng Mauban para sa rehabilitasyon ng water service facility, St. Therese MPC ng Atimonan para sa kanilang water service business, Hardin ng Kalikasan Women MPC ng Real para sa kanilang handicraft business, Infanta Development Cooperative ng Infanta para sa fertilizer at Lucban Environmentalist - Agroforestry MPC ng Lucban para sa kanilang handicraft business. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK