Senior Citizen sa Lalawigan ng Quezon, Nagkasama-sama


 

2014-10-28

 

 

Photo1. (L-R) Board Member Lourdes de Luna Pasatiempo, 4th District Cong. Helen Tan, Vice-President Jejomar Binay, Governor David "Jay-Jay" Suarez at Former 3rd District Cong. Danny Suarez.

 

Pinangunahan nina Vice-President Jejomar Binay at Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang pagdiriwang ng Provincial Senior Citizen’s Week ng lalawigan ng Quezon na nilahukan ng humigit kumulang na apat na libong mga senior citizen sa Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena noong October 28, 2014.

 

Ayon kay VP Binay na nararapat lamang na ipadama ng pamahalaan sa mga senior citizen ang nararapat na pagpapahalaga sa pamamagitan ng mga serbisyo at benepisyong ipinagkakaloob o pinakikinabangan na ngayon ng mga nakatatanda.

 

Ayon pa kay VP Binay na naniniwala siya na kung hindi dahil sa pagod, pawis at pagpupunyagi ng naunang henerasyon ay hindi mararanasan ng kasalukuyang henerasyon ang anumang kaunlarang tinatamasa ngayon.

 

“Kayo ang nagsakripisyo noon, naglaan ng inyong oras at lakas para sa ikauunlad hindi lamang ng inyong pamilya kundi sa ikauunlad ng ating bayan,” dagdag pa ni VP Binay.

 

Ayon naman kay Governor Suarez, dapat hindi nagkukulang ang pamahalaan na suportahan, magbigay ng ayuda, proyekto at programa para sa mga senior citizen na nagpalaki at nagbigay ng lalawigan ng Quezon.

 

Sa loob ng apat na taong paglilingkod ni Governor Suarez ay patuloy na pinapaganda ang programang pangkalusugan na pakikinabangan ng mga senior citizen tulad ng pagsasaayos ng mga pasilidad ng mga pampublikong pagamutan sa buong lalawigan ng Quezon, pagdadagdag ng mga kagamitan at pagsasaayos ng serbisyo ng mga empleyado ng mga ospital.

 

“Kung nais natin na magkaroon ng tunay na pagbabago at kaunlaran, hindi po ito kaya ni governor, dapat lahat tayo ay nagtutulungan, iparating n’yo po sa amin ang napapansin ninyo, ang problemang humaharap sa inyo sa mga ospital at gagawan ko ng paraan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, ipinakilala din sa naturang pagdiriwang ang mga nagwagi sa Quezon Lola Queen at Lolo King 2014 na pinangunahan nina Lola Corazon Gonzales at Lolo Antonio Juan De Luna ng bayan ng Candelaria.

 

Tinanghal naman bilang 1st runner-up sina Lola Norma Avellaneda at Lolo Fernando Ambas ng Atimonan, 2nd runner-up sina Lola Yolly Azagra at Lolo Leodegario Merana ng Real, 3rd runner-up sina Lola Fe Zabella at Lolo Mario Zabella ng lungsod ng Tayabas at 4th runner-up sina Lola Luisa Condonar at Lolo Paterno Manzano ng Mauban, Quezon.

 

Nakiisa din sa naturang pagdiriwang na pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Sonia Leyson sina Regional Director Leticia Diokno ng DSWD Region IV-A, Congressman Sherwin Gatchalian ng Valenzuela, Congresswoman Helen Tan ng ikaapat na distrito, dating Congressman Danny Suarez ng ikatlong distrito, Bokal Techie Dator, Bokal Bong Talabong, Bokal Beth Sio, Bokal Lourdes Pasatiempo, Bokal Victor Reyes at dating Bokal Romano Talaga. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 
 
BACK