2 Bagong Programa, Ipatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan sa Susunod na Taon


 

2014-10-27

 

 

Dalawang bagong programa ang nakatakdang ipatupad ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na may kaugnayan sa kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan ng lalawigan sa susunod na taon.

 

Una na dito ang sisimulang Massive Herbal Planting Production Program ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon, pagpapalaganap ng halamang gamot sa lalawigan na makakatulong sa kalusugan at pagkakakitaan pa.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang gagawin ng pamahalaang panlalawigan ay magbibigay ng mga pananim, magtututo kung paano ito itatanim at mismong ang pamahalaang panlalawigan din ang bibili ng mga produkto sa tamang presyo.

 

“Ang pangarap ko para sa ating lalawigan, I want Quezon Province to be the center of herbal medicine in our country na lahat ng halamang gamot na makakatulong sa ating pangangatawan; kikilalanin nila ang lalawigan ng Quezon bilang numero uno sa sektor ng herbal medicine at halamang gamot,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ikalawa ang otomatikong pagsagot ng pamahalaang panlalawigan sa kalahati ng Philhealth premium ng pasyenteng mako-confine sa Quezon Medical Center o P1,200 ng P2,400 na PhilHealth Premium.

 

“For example, nagpatingin kayo sa doctor, ang sabi ng doctor kailangan kayong operahan, ang bill ninyo ay P20,000, imbes na maghanap kayo ng P20,000, P1,200 na lang ang babayaran ninyo sapagkat ang P1,200 ay sagot na ng pamahalaang panlalawigan, pagpasok n’yo ng QMC ay Philhealth member na kayo,” ayon pa sa gobernador.

 

Gayundin, patuloy ang isinasagawang pagpapaganda sa mga pasilidad ng pampublikong pagamutan at serbisyo na malaki na ang pinagbago kumpara noong mga nakalipas na taon.

 

“Ang gusto ko mangyari kapag nagkasakit kayo ay gagaling kayo, aasikasuhin kayo, bibigyan kayo ng tamang atensyon at makakauwi kayo sa inyong mga tahanan ng masaya, malusog at maganda ang pangangatawan,” dagdag pa ng gobernador. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK