Lalawigan ng Quezon, Tumanggap ng 2 Galing Pook Award


 

2014-10-22

 

 

Dalawang programa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na ipinatupad ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang kasama sa tinanghal na 2014 Top Ten Outstanding Local Governance Program sa buong PIlipinas o Galing Pook Award, ang Lingap sa Kalusugan para sa Barangay o Health Coupon Program at Quezon’s 2 in 1.

 

Ang gawad parangal ay ipinagkaloob ng Galing Pook Foundation katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG), Ford Foundation, Local Government Academy, Philippine Postal Corporation (PhlPost) at Landbank of the Philippines noong October 21, 2014 sa EDSA Shangri-La Manila.

 

Ito ay personal na tinanggap ni Governor Suarez mula kay DILG Sec. Mar Roxas, Executive Secretary Paquito Ochoa, Galing Pook Foundation Chairperson Ma. Lourdes Fernando, PhlPost Postmaster General at CEO Ma. Josefina dela Cruz, Landbank President at CEO Gilda Pico at Camarines Sur 3rd District Rep. Leni Robredo.


Sa naging mensahe ni Pangulong Benigno S. Aquino sa pamamagitan ni Executive Secretary Paquito Ochoa na sa pagpapatupad ng reporma sa dinatnang sistema ay nabibigyan ng higit na kakayahan ang mga lokal na pamahalaan na maging kabalikat sa pagtataguyod ng malawakang transpormasyon.

 

“Hindi naman tayo binigo ng mga mayor at governor dahil ginamit nila ang kanilang lakas at talino upang magsulong ng mga inisyatiba na tunay na mapapakinabangan ng kanilang nasasakupan at ipagpatuloy ang pag-iisip at pagpapatupad ng mga inisyatibang magsusulong ng kapakananan ng ating mga kababayan,” ayon pa sa pangulo.


Ayon naman kay DILG Secretary Mar Roxas, sa pamamagitan ng mga programang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ay nakikita ang pagkakaisa at pakikiisa ng bawat isa.

 

Siniguro din ni Roxas sa mga lokal na pamahalaan na hindi sila nag-iisa sa pagharap sa mga problemang kinakaharap ng mga ito dahil ang buong pamahalaang nasyonal ay nandyan para tumulong at makakaasa na hindi sila pababayaan.

 

Samantala, ayon kay Governor Suarez ang lalawigan ng Quezon ang kauna-unahang probinsya sa bansa na tumanggap ng dalawang Galing Pook Award sa loob lamang ng isang taon para sa programang ipinatupad o kasalukuyang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.

 

Ang Serbisyong Suarez Health Coupon o Lingap Kalusugan para sa Barangay ay napakinabangan ng 162,081 Quezonian para sa serbisyong medikal simula ng ipatupad ang naturang programa noong 2010.

 

Ang lahat ng kapitan sa 1,242 barangay sa lalawigan ng Quezon, kalaban man o kakampi sa pulitika ay binibigyan ng P50,000 na halaga ng health coupon taun-taon na ibinibigay naman sa mga mamamayan sa barangay na mangangilangan ng pambayad ng bill at pambili ng gamot sa mga pampublikong ospital sa lalawigan.

 

Dahil ang mga coupon ay hindi pwedeng ipagpalit sa pera at hindi pera ang hinahawakan ng mga kapitan at mga pampublikong ospital ay naiiwasan ang korupsyon.

 

Samantala, ang Quezon’s 2 in 1 na nakapagtanim ng mahigit 2.7 milyong bakawan sa loob ng isang araw noong June 30, 2012 sa 221 ektaryang baybay-dagat ng lalawigan ng Quezon ay nilahukan ng 39,002 Quezonian.

 

Sa kabuuang 2,766,342 bakawang naitanim ay umabot sa 1,775,353 bakawan ang umabot sa ikalawang taon na nagresulta sa 61% survival rate ng mga bakawang itinanim. Sa kasalukuyan, umabot na sa 1,940,139 ang mga nabuhay na bakawan dahil sa muling pagtatanim ng 164,768 bakawan.

 

Upang mabantayan at mapanatiling lumalaking maayos naman ang mga naitanim na mga bakawan at mapalitan kaagad ang mga mamamatay na bakawan, nagtalaga ang pamahalaang panlalawigan ng sa pamamagitan ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) sa pakikipagtulungan ng ilang pamahalaang bayan ng mga Luntiang Katipunero na binubuo ng 1,980 volunteers kalimitan ay mga mangingisda at magsasaka.

 

Ayon kay Governor Suarez naging matagumpay ang dalawang programa dahil sa pagtutulungan at pakikiisa ng mga punong barangay, punong bayan, pamahalaang panlalawigan at ng bawat isang Quezonian.

 

Ang Galing Pook Award ay maituturing na pinakamataas at pinakaprestihiyosong parangal na maaaring matanggap ng isang local government unit. Ito ay nilalahukan ng mga barangay, munisipyo, lungsod at probinsya kung saan kinikilala ang mga programang epektibo, sustenable at malikhain at binuo kasama ang mga mamamayan at ipinatupad para sa mga mamamayan.

 

Kabilang sa mga tinanghal na Top Ten Outstanding Local Governance Program ay From Arms to Farms ng Kauswagan, Lanao del Norte; Affordable Homes for the Urban Poor ng Quezon City; Profitable Public-Private Partnership ng Legazpi City; Towards Effective Urban Renewal ng Dipolog City; A Thriving Night Market ng Tagum City; Providing Quality Eye Care to Indigents ng Tarlac Province; A Pioneering Health Clinic ng Quezon City; at Pooling Resources for a Sanitary Landfill ng South Cotabato Province. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 

 
 
BACK