Provincial Development Council, Muling Nagpulong


 

2014-10-13

 

 

Pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang muling pagpupulong ng Provincial Development Council na dinaluhan ng mga punong bayan sa lalawigan ng Quezon noong October 9, 2014 sa Bulwagang Kalilayan, lungsod ng Lucena.

 

Tinalakay sa naturang pagpupulong ang nilalaman ng Annual Investment Plan (AIP) para sa taong 2015 kabilang ang mga proyektong pangturismo na nakatakdang simulan tulad ng Herbal Forest na itatayo sa bahagi ng Atimonan, Quezon na maituturing na kauna-unahan sa bansa. Nakatakdang pondohan din ang pagsasaayos ng Mangrove Experimental Forest sa bahagi ng Pagbilao.

 

Gayundin ang mga infrastructure projects tulad ng road project na makakatulong upang mabilis na makarating ang mga turista sa mga tourist destination sa lalawigan ng Quezon.

 

Tuloy-tuloy din ang pagsisikap ni Governor Suarez na makahiling sa pamahalaang nasyonal upang pondohan ang ilan sa pagpapakonkreto ng mga kalsada lalo’t higit ito’y makakatulong sa promosyon ng turismo sa lalawigan.

 

Patuloy na tinututukan ni Governor Suarez ang turismo sa lalawigan ng Quezon dahil naniniwala ang gobernador na ito ang makakatulong sa mas pag-unlad ng lalawigan.

 

Higit ding pinag-usapan sa naturang pagpupulong kung paano ilulunsad ang massive rehabilitation ng mga bayang naapektuhan ng bagyong Glenda.

 

Hindi tumitigil ang pamahalaang panlalawigan upang sa gayon ay mapagsama-sama   ang mga kinakailangang pondo para muling makabangon ng tuluyan ang mga bayang naapektuhan ng naturang bagyo.

 

Tinitiyak din ni Governor Suarez na hindi nag-iisa ang mga punong-bayan sapagkat malaki ang pagnanais ng gobernador na ang pondo ng pamahalaang panlalawigan at pondong hinihiling sa nasyonal ay maipadadaloy sa bawat bayang naapektuhan ng bagyo upang magkaroon ng total rehabilitation.

 

Samantala, ngayong linggong ito ay nakatakdang isumite ng executive department sa Sangguniang Panlalawigan ang proposed Annual Investment Plan para sa taong 2015 at ang Annual Budget para sa susunod na taon upang mapag-aralan at mapagtibay. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK